KONTRA POGO SA KAMARA DUMARAMI

NADAGDAGAN pa ang mga kongresista na gustong palayasin sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil bukod sa paghahasik ng mga ito ng kriminalidad ay banta na ang mga ito sa seguridad ng bansa.

Ito ang hiling ngayong Araw ng Kalayaan ni Surigao del Norte Rep. Robert Barbers.

Sinabi ni Barbers na sa ika-126 taong kalayaan ng Pilipinas ay pakinggan sana ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kahilingan ng mamamayan at mga mambabatas na tapusin na ang pamamayagpag ng sindikato mula sa China.

“It is time to put an end to this nightmare. As we commemorate our Independence Day,I am hopeful that the President will heed the call of the legislators and their constituents who continue to fall victims to these illegal establishment,”ani Barbers.

Sinabi ng mambabatas na malinaw na malinaw na ang katotohanan na ginagamit ng mga sindikatong ito mula China ang kanilang pera para i-corrupt, hindi lamang ang mga opisyales kundi ang mga ordinaryong empleyado ng gobyerno.

Bukod dito, sinisira aniya ng mga Chinese syndicate na ito ang lipunan at bansa sa kabuuan kaya nararapat nang mapalaya aniya ang bansa na mangyayari lamang kapag inutos na ni Marcos na tapusin na ang operasyon ng mga ito.

“There is no redeeming value in POGOs. We should not waste a minute more in closing them, totally and completely. Like a gangrenous toe, we should cut it from our body before it kills us. Let us not allow our gains as a free republic to be destroyed by an alien culture of crime and gambling. If we love our country, we should break free from the bondage that is POGO”, giit pa ni Barbers.

Ipinaliwanag nito na kung matino ang POGO ay sa China sila mag-operate at hindi sa Pilipinas kaya hindi magandang tingnan aniya na kinakanlong ang mga ito at nagbubulagbulagan sa mga krimeng ginagawa ng mga ito sa bansa.

Paghahalughog sa Porac
POGO tapos sa 10-araw

TATAGAL pa ng 10 araw bago matapos ang paghahalughog at pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa pasilidad ng POGO sa Porac, Pampanga.

Sa nakalipas na limang araw, may iba’t ibang gamit na nadiskubre ang kapulisan sa Lucky South 99 compound sa Brgy Sta. Cruz, Porac, Pampanga.

Sa building 3 sa loob ng compound, nakumpiska ang mga system monitor kung saan kita ang halos kabuuan ng pasilidad.

Nakakuha rin muli ng mga computer at computer parts, mobile phones, sim cards at torture devices.

Sa unang palapag ng building 36, nakakuha ng tatlong live cctv.

Isang watawat naman ng China ang natagpuan ng mga awtoridad sa building 15.

Kahapon ng umaga, unang pinasok ang building 11 at bumulaga sa 3rd floor nito ang apat na pares ng mga uniporme ng militar ng China, dalawang pares ng combat shoes at anim na safety vault.

Nasa 29 mula sa 46 na gusali na ang kanilang napasok ng kapulisan. (BERNARD TAGUINOD/NILOU DEL CARMEN)

133

Related posts

Leave a Comment