(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
IKINABAHALA ni Vice President Sara Duterte ang kalabisan ng mga awtoridad na sumalakay sa mga compound ng Kingdom of Jesus Christ noong Lunes ng madaling araw.
Maging ang unang Executive Secretary ng administrasyong Marcos Jr. na si Atty. Vic Rodriguez ay naglabas ng saloobin na kinokondena ang malabis na pwersa umano ng mga lumusob na pulis.
“I condemn in the strongest term the EXCESSIVE USE OF FORCE in the service of the warrant of arrest on accused Pastor Apollo C. Quiboloy of the Kingdom of Jesus Christ by the state forces.” Bahagi ng post ni Rodriguez sa kanyang Facebook page.
Tila hinamon din niya ang Malakanyang na magpakita ng kaparehas na pagmamalabis hindi lamang sa mga kritiko kundi maging sa mga kaalyado nito.
“A citizen’s basic rights should neither be trampled upon nor rudiments of fair play be flushed down the toilet to ensure that justice can be served to all without distinction.” Ayon pa sa post ng abogadong si Rodriguez.
Sa opisyal na pahayag namang inilabas ni VP Duterte, isinasaad nito na: “Kaisa ako sa mga nananawagan ng maayos, katanggap-tanggap, at makataong pagpapairal ng batas at pagtataguyod ng hustisya sa ating bansa.
Huwag din sana nating kalimutan na ang pandarahas sa ating mga mamamayan ay paglapastangan sa ating demokrasya.
Sana ay mapanatili natin ang respeto, kaayusan, at kapayapaan sa ating bansa.
Maging laging mahinahon din sana ang mga Dabawenyo at ang buong sambayanang Pilipino, at magkaisa ang lahat sa pananalangin para sa katotohanan at hustisya.”
Matatandaan na nitong Lunes ay pinasok ng mahigit 100 pulis mula sa iba’t ibang unit ng PNP kabilang ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Special Action Force (SAF) at mga tropa ng militar ang compound ng KOJC sa Barangay Sasa, Buhangin district, Davao City, para isilbi ang warrant of arrest laban sa nagtatagong si Apollo Quiboloy.
Pinasok din ng CIDG at PNP SAF ang compound ng Glory Mountain sa Tamayong, sa Calinan District, Davao City at maging ang QSands Baptismal Resort sa Island Garden City ng Samal, at ang Kitbog Compound sa Malungon, Sarangani Province.
Si Quiboloy ay inisyuhan ng arrest warrant ng Pasig Regional Trial Court sa kasong Qualified Human Trafficking na walang inirekomendang piyansa bukod sa paglabag sa Section 5 sa Republic Act (RA) 7619 o Special Protection of Children Against Abuse na inilipat sa Quezon City Regional Trial Court mula sa Davao City Regional Trial Court.
Nahaharap din siya sa iba’t ibang kaso sa Estados Unidos kaya napabilang sa top wanted list ng Federal Bureau of Investigation (NBI).
