Sinampahan ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang mga opisyal ng Orophil Shipping International Corporation, Inc., isang officer ng forwarder at dalawang empleyado ng BOC kaugnay sa pagkawala ng 641 containers sa loob ng Manila Container Port (POM) kamakailan.
Ang sinampahan ng kaso ay ang mga opisyal na sina Juan Orola Jr., Chairman of the Board, Tomas Orola, President & CEO, Elizabeth Orola-Salabas, Vice President at Gilray Romeo Torres, Operations Manager.
Ang mga ito ay inakusahan ng mga opisyal ng BOC dahil umano sa large scale smuggling sa pagkawala ng containers noong buwan ng Abril hanggang Agosto, 2018 na ang consignee umano ay ang Orophil.
Ayon naman sa mga opisyal ng Orophil, kailan man ay hindi sila na-involve sa smuggling dahil ang kanilang kompanya ay “purely engaged in manning and crewing agency that benefited thousands of seafarers since it started its operation in 1980” at nagamit lamang umano ang kanilang logo.
Ayon naman sa aking insider sa BOC, talagang guilty umano ang Orophil sa pagkawala ng containers kung kaya sinampahan na ng kaso ang mga ito at ang latest info ay ipinatawag ang magkakapatid na may-ari ng Orophil sa Malacañang na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang tanong anong mayroon sa Orophil at ipinatawag pa sila sa Malacañang? Hindi naman sila siguro katulad ng 52 opisyal ng BOC na ipinatawag ng pangulo sa Malacañang at sinabon nang husto, bukod pa sa binantaan ang mga ito na ipapabaril kapag tumuntong pa ang mga ito sa bakuran ng BOC.
Dapat talagang panagutin ang Orophil sa pagkawala ng 641 containers na bilyones ang halagang nawalang taxes sa gobyerno at hindi tanga ang mga taga-BOC na magsasampa ng kaso kung wala silang sapat na ebidensya laban sa Orophil.
Nagbanta rin ang pangulo na uubusin niya ang lahat ng mga tiwaling tauhan ng BOC dahil sobra na ang pagkainis nito na tila hindi pinakikinggan ang kanyang pakiusap na tigilan na ang pagnanakaw sa gobyerno. Period. Abangan may karugtong! (Hagupit ni Batuigas / MARIO B. BATUIGAS)
