CAVITE – Tinatayang P.5 milyong halaga ng cash ang natangay sa isang E-Tap collector makarang holdapin at tangayin ang kanyang motorsiklo sa bayan ng Tanza sa lalawigan noong Miyerkoles ng madaling araw.
Ang suspek na si alyas “Erwin” na kinilala ng biktima sa rouge gallery of criminals, at nabatid na may mga kaso ng panghoholdap sa buong CALABARZON, ay kasalukuyan nang pinaghahanap ng pulisya.
Ayon sa salaysay ng biktimang si alyas “Noe”, collector ng E-Tap, nakaupo siya sa kanyang motorsiklo habang nakaparada sa Brgy. Sanja Mayor, Tanza, Cavite bandang alas-6:30 ng umaga nang lapitan siya ng suspek.
Tinutukan umano siya nito ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa tiyan, nagdeklara ng holdap at tinangay ang motorsiklo gayundin ang P500,000.00 na koleksyon at tumakas sa direksyon ng Anyana.
Agad na nagsumbong ang biktima sa pulisya at narekober ang iniwang motorsiklo sa Nahara Road, may dalawang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente.
(SIGFRED ADSUARA)
