NAKITAGAY SA KAPITBAHAY, NATAGPUANG BANGKAY

QUEZON – Natagpuang walang buhay sa ilang at bulubunduking bahagi ng barangay ang isang 29-anyos na lalaki na nakipag-inuman sa kanyang kapitbahay sa Brgy. San Andres Bundok sa bayan ng Atimonan sa lalawigan.

Ayon sa ulat ng Atimonan Police, nagsimulang mag-inuman ang biktimang kinilala sa pangalang “Mark”, at ang kanyang kapitbahay na suspek na si “Jay” noong Martes ng gabi, Setyembre 9.

Pagkaraan ng ilang oras, napansin ng live-in partner ng biktima na hindi pa ito umuuwi kaya humingi ng tulong sa barangay.

Ayon sa live-in partner, bago nawala ang biktima, nakarinig siya ng komosyon mula sa bahay ng kapitbahay kung saan nag-iinuman ang dalawa.

Agad namang nagresponde ang mga pulis sa lugar ngunit wala na roon ang suspek at hindi na rin makita ang biktima.

Naglunsad ng search operation ang pulisya at nakita ang wala nang buhay na biktima dakong alas-10:00 ng umaga kinabukasan sa bulubunduking bahagi ng barangay.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Atimonan Police sa pinangyarihan ng krimen upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Kasalukuyang pinaghahanap na rin ang suspek na si Jay na nawala matapos ang insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

162

Related posts

Leave a Comment