P13-M SMUGGLED YOSI, GAMOT NaSABAT NG BOC-MICP SA PARANQUE

Aabot ng labing tatlong milyong pisong (P13-M) halaga ng mga smuggled na sigarilyo at mga gamot ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa lungsod ng Parañaque.

Armado ng isang Letter of Authority na pirmado ni Commissioner Rey ­Leonardo Guerrero ng BOC, nagsanib pwersa para sa isang ­espesyal na operasyon ang mga tauhan ng Manila International Container Port o MICP kasama ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) at ang National Bureau of Investigation o NBI.

Ang pakay ng nasabing operasyon ay ang pagsasagawa ng inspeksyon sa dalawang (2) storage facilities na nagresulta sa pagkakahuli ng Chinese cigarettes at mga gamot.

Ang unang operasyon ay nagresulta sa pagkakasabat ng tinatayang apat na milyong pisong halaga ng smuggled na sigarilyo, habang ang sumunod na operasyon ay nakumpiska naman ang siyam na milyong pisong halaga ng iba pang brand ng sigarilyo at mga gamot.

Pinaniniwalaan na ang nasabat na mga gamot ay posibleng magamit bilang panlaban sa COVID-19.

Agad na nagsagawa ng kaukulang imbestigasyon ang BOC para malaman kung sino ang responsable sa shipment at kung sino rin ang nagmamay-ari ng ni-raid na storage facility.

Kasabay nito, tiniyak ng BOC-MICP na mananagot at makakasuhan ang nasa likod ng ilegal na importasyon ng mga kalakal dahil sa paglabag sa Section 1400 ng RA 10863 o mas kilala sa tawag bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA)

At dahil sa ang bansa ay patuloy na nagrerekober mula sa epekto ng Covid-19, ang MICP ay nananatili sa kanilang pangako sa kanilang kampanya laban sa smuggling sa ilalim ng patnubay ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero. (Joel O. Amongo)

184

Related posts

Leave a Comment