INIHAYAG ng Federation of Free Workers (FFW) ang solidong suporta nito sa panawagan ni Senador Franklin Drilon na ipamahagi ang malaking bahagi ng P20 bilyong trust fund ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa milyun-milyong manggagawang Filipino na natigil ang pagtatrabaho dahil sa malawakang hagupit ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa iba’t ibang bansa.
Banggit ng pangulo ng FFW na si Atty. Jose Sonny Matula sa manunulat na ito na, “Yes po. Agree kami sa panawagan ni Senador Drilon” na gamitin bilang suportang pinansiyal ang malaking bahagi ng P20 bilyong OWWA trust fund.
Idiniin ni Matula, “Ang pangunahing layunin [ng] OWWA ay protektahan ang interes ng overseas Filipino workers (OFWs) at ang kani-kani-kanilang pamilya. Kasama sa layuning ito ang pagbibigay ng social security, cultural services at ayudang pang-empleyo, remittances at legal matters”.
Lumabas sa Saksi Ngayon nitong Mayo 25 ang panawagan ni Drilon na “Panahon na para ang OWWA ay tumulong nang todo sa mga OFW”.
Katunayan, nakiusap si Drilon sa OWWA na “gawin ninyo ang lahat para naman mabawasan ang problema ng ating mga kababayan sa ibayong dagat” na nawalan ng trabaho at hindi nakabalik sa kanilang pinagtatrabahuan sa ibang bansa dulot ng COVID-19.
Idiniin ng senador na “Hindi pwedeng gamiting rason na maapektuhan ‘yung kanilang investment. Sa pera ng OFWs nanggaling iyang P20 bilyong trust fund [ng OWWA].”
Tutol ang Advocates and Keepers Organization of OFW Inc. (AKO OFW) sa posisyon ng senador ng Liberal Party (LP) sa OWWA trust fund, dahil ayon sa tagapangulo ng organisasyon na si Dr. Celerino “Chie” Umandap, “ mas nais ng mga OFW [na] gamitin ito para sa kanilang reintegration o pagnenegosyo at lalo na para sa kanilang pension plan.”
Itinuro ni Umandap ang programang AKAP ng Department of Labor and Employment DOLE) kung saan nakatatanggap ang bawat isang OFW ng ayudang P10,000 o $200.
Kaso, ayon mismo sa DOLE, ang mabibigyan lang ng tig-P10,000 bawat isa ay 250,000 OFWs dahil hanggang sa bilang na ito lamang ang kayang bigyan ng pondo ng DOLE.
Batay sa impormasyon ng DOLE, aabot sa 400,000 ang nag-aplay ng programang AKAP sa pamamagitan ng online application.
Nakarating sa manunulat na ito na maraming OFWs ang nagrereklamo, sapagkat napakahirap daw ng aplikasyon sa programang AKAP.
Ipinaalala ni Matula na ang P20 bilyong trust fund ay pera na galing mismo sa OFWs na “pinunduhan ng annual contribution [na] galing sa OFWs at employers at dapat lamang na gamitin na nila sa panahon ng pangangailan [ng mga OFW] tulad ngayong [mayroong] COVID-19 pandemic” sa maraming bahagi ng mundo.
Ang administrador ng OWWA ay si Hans Leo Cacdac na naging pinuno ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) noong termino ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III. (NELSON S. BADILLA)
