P32-B SUPPLEMENTAL BUDGET SA SCHOOLS IPASA NA – SOLON

IGINIIT ni House Deputy Minority Leader France Castro sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipasa na ang kanilang resolusyon na bigyan ng P32 billion supplemental budget ang public schools upang hindi na magastusan ang mga guro sa paghahanda sa kanilang mga eskwelahan.

Ginawa ni Castro ang nasabing panawagan sa liderato ng Kamara matapos simulan ng Department of Education (DepEd) ang Brigada Eskwela para ihanda ang mga paaralan bago magsimula ang school year sa Agosto 22.

“Most teachers and school heads rely heavily on donations from parents to repair and clean classrooms. Teachers are still forced to use their personal money to be able to start the repairs of their classrooms,” ani Castro.

Dahil dito, mahalagang maipasa na aniya ang kanilang Joint Resolution No. 4 o Providing for a Supplemental Budget of P32 billion for the Maintenance and Other Operating Expense (MOOE) ng public schools.

Sa ilalim ng nasabing resolusyon, ang nasabing pondo ang gagamitin sa pagkukumpuni ng mga classroom, school supplies, air filtration, hand-washing area at iba pang gamit sa 47,612 paaralan sa bansa.

Layon umano nito na maging ligtas ang mga paaralan sa pagbabalik eskwela ng mga estudyante sa Nobyembre kung saan itinakda ang face-to-face classes matapos ang dalawang taong pagsasara dahil sa pandemya.

“Huwag na natin hayaan ang mga guro at principal na gamitin nila ang kakarampot na sweldo para punan ang kakulangan ng gobyerno para sa paghahatid ng kalidad at ligtas na edukasyon sa mga kabataan,” ayon pa sa kinatawan ng ACT party-list.

Hindi aniya dapat iaasa rin ng gobyerno sa mga donasyon ang pagsasaayos ng mga paaralan bago magbukas ang klase lalo na ngayong hindi pa nakababangon ang mga tao sa pandemya.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa kanilang mga kasamahan sa Kongreso na aprubahan na ang nasabing resolusyon sa lalong madaling panahon lalo na’t papalapit na ang pagbubukas ng klase. (BERNARD TAGUINOD)

192

Related posts

Leave a Comment