PINAGKALOOBAN ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kabuuang ₱7,466,707.69 na cash incentives ang 31 civilian informants noong Marso 23, 2026 sa ilalim ng Operation: Private Eye (OPE).
Isinagawa ang awarding sa PDEA National Office sa Quezon City, kung saan anim na impormante ang personal na tumanggap ng kanilang pabuya, habang ang iba ay ginawaran sa regional offices sa buong bansa.
Panauhing pandangal si Secretary Oscar F. Valenzuela, chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB) kasama ang mga opisyal ng PDEA at miyembro ng OPE Reward Committee.
Ayon kay PDEA Director General Isagani R. Nerez, ang impormasyon ng mga impormante ang nagresulta sa 33 high-impact anti-drug operations na nagbuwag sa mga sindikato, nagpasamsam ng malaking halaga ng ilegal na droga, at nagpaaresto sa mga high-value target.
Ang top informant ay tumanggap ng ₱1.83 milyon matapos ang matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng halos 25 kilo ng shabu at pagkakaaresto ng tatlong suspek sa Candelaria, Quezon.
Binigyang-diin ng PDEA na dumaan sa mahigpit na beripikasyon ang lahat ng reward upang matiyak ang transparency at integridad ng programa.
(PAOLO SANTOS)
85 