IREGULARIDAD SA BI ACCREDITATION UNIT IMBESTIGAHAN

BISTADOR ni RUDY SIM

KUNG ang flood control ay may ghost projects, sa Bureau of Immigration naman ay mayroong ilang pribadong indibidwal na liaison officers ng law offices at travel agency na hindi matahimik ang kaluluwa dahil sila’y inilagay na sa listahan ng “Perpetua” kung saan ay perpetually disqualified na ang kanilang accreditation o lifetime banned na sa BI sa pag-transact ng anomang may kinalaman sa paglalakad ng visa ng kanilang foreign clients.

Noong taong 2023 ay naglabas ang BI ng isang cancellation order BIAU-AE-2023/BIAU No. CA 2022-036 para sa lisensya ng isang “BANGA-DASMA TRADING/LENDING CORP na pagmamay-ari ng isang Indian national na nakilala sa pangalang “Girish”, na nahuling gumamit ng pekeng dokumento ng kanyang mga kliyente kagaya ng fake na Alien Employment Permit at iba pang requirements para sa 9g working visa noong taon din iyon, na pirmado ng dating Commissioner Norman Tansingco at chief ng Accreditation Unit na si Atty. Maricel Salcedo Sulit.

Laking gulat ng mga empleyado ng BI, na ito’y nakikitang muling aktibo umano sa paglalakad ng papeles at nabigyan ng panibagong lisensya na may ID No. CA-202515605-1 at may panibagong company name na “Kumar Documentation and Visa Consultancy”. Anyare sa Visa Accreditation Unit? Pwede pala iyon na magpalit lang ng pangalan ang isang kompanya? Hmm… Mayroon kayang nasulit sa tanggapan na ito ng BI?

Kagaya na lamang ng iba pang liaison officers na tila untouchable umano sa BI, kahit na ilang beses nahuling namemeke itong isang alias “Haidee” at alias “Grace Retokada” ay pikit-balikat na lamang ang ilang opisyal dito dahil umano sa lakas ng kapit ng mga ito sa ahensya, at mahilig mag-sponsor para sa personal tours sa ibang bansa ng mga opisyales, at magregalo ng mamahaling brand ng damit.

Hindi lamang sa BI ang kontak umano nitong si alias “Grace Retokada” kundi maging sa DOLE-NCR kung saan nag-issue ng AEP na kasing bilis ang approval, kasabwat ang isang alias “Bebeth”. Kahit umano kasing liit ng kulungan ng aso ang inilagay na dummy office nitong si alias “Grace Retokada” sa Caloocan ay kaya nitong maglagay ng libo-libong workers upang makakuha ng permit mula sa DOLE? Ito kaya ay hindi napansin ng DOLE at ng BI na peke ang kompanya? Ilan lamang sa dummy companies umanong ginamit nito ay ang CEST LA VIE EVENT MANAGEMENT INC., EASTERN GOLD at 24 INCH GAUGE CONSTRUCTION.

Paano kaya nakalusot sa Accreditation Unit na hindi tinitingnan ang record ng mga nagmamay-ari ng kompanya? Kagaya na lamang din ng dating travel agency ng mag-asawang Sharon at Peter Lai na naharap sa deportation sa bansa dahil sa pagiging fugitive sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga. Paano nabigyan ng panibagong lisensya ang dating Cloud na iisa ang may-ari at nagpalit lamang ng pangalan? May nasulit na naman ba o may malakas na kapit mula sa isang opisyal ng legal na division?

Abangan ang susunod nating pambibisto sa mga tiwaling tauhan ng BI sa susunod, kaugnay sa pangongotong ng ilang mga tauhan ng Intelligence Division sa Gapan, Nueva Ecija at ang sabwatan umano nitong si alias “Haidee” at alias “Char”, at alias “Bunso” ng intelligence, na kotongan ang ilang travel agency upang hindi galawin?

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

125

Related posts

Leave a Comment