MARIING kinondena ng grupong Association of Women’s Workers in Construction Industry (AWCCI) ang umano’y kapabayaan sa likod ng pagguho ng itinatayong siyam na palapag na gusali sa Balibago, Angeles City, Pampanga na ikinasawi at ikinasugat ng ilang obrero.
Ayon sa AWCCI, inilantad ng insidente ang mapanganib umanong kalagayan sa paggawa sa naturang construction site.
Sinabi ni AWCCI national coordinator Jane Vargas na hindi dapat nasasawi ang mga manggagawa dahil sa kapabayaan at pagtitipid ng mga kumpanya sa konstruksyon.
Nanawagan ang grupo ng masusing imbestigasyon laban sa Golden Years Construction and Steelworks at mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno dahil sa umano’y kabiguang tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng labor safety standards at regular na inspeksyon sa lugar-paggawa.
Kinuwestiyon din ng AWCCI kung bakit ipinagpatuloy ang konstruksyon kahit may nauna nang work stoppage order ang Department of Labor and Employment (DOLE) Central Luzon dahil sa naiulat na paglabag sa workplace safety regulations.
Batay sa ulat ng DOLE, natuklasan noon ng mga inspektor ang kakulangan sa safety belt, hard hat at iba pang protective equipment sa lugar, gayundin ang kawalan ng nakatalagang safety officer.
Samantala, tiniyak naman ng DOLE na magbibigay ito ng emergency employment at ayuda sa mga apektadong manggagawa at kanilang pamilya.
Gayunman, giit ng AWCCI, walang ayuda ang makapapantay sa buhay ng mga nasawing obrero kaya dapat papanagutin ang mga kumpanyang nagpapabaya sa kaligtasan ng mga manggagawa at mahigpit na ipatupad ang occupational safety standards upang hindi na maulit ang kaparehong trahedya.
(JUN VILLARICA)
83 