UMANI ng papuri mula kay Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang mga tauhan ng Police Drug Enforcement Group (PDEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa pagwasak nila sa P95 milyong halaga ng marijuana kasunod ng ikinasang marijuana eradication sa Tinglayan, Kalinga.
Ayon sa ulat na isinumite kay P/General Eleazar mula sa PDEG, sa pamumuno ni P/BGen. Remus B. Medina, winasak ng pinagsanib na pwersa ng PNP at PDEA ang 22,500 piraso ng fully grown marijuana at 420 kilo ng pinatuyong mga dahon nito na nadiskubre sa pitong plantasyon sa bulubunduking bahagi ng Barangay Loccong.
Aabot sa P95.4 milyong halaga ng marijuana ang winasak ng PDEG ngunit nabatid na walang naaresto sa nasabing anti-narcotics operation.
Dahil dito, inatasan ni P/Gen. Eleazar ang lokal na pulisya na magkasa ng follow-up investigation para matukoy kung sino ang mga nagtatanim o maintainer ng plantasyon na tinatayang may sukat na 22,500 metro kuwadrado.
Pinapurihan niya ang hakbang ng grupo, gayundin ang pakikiisa ng mga tauhan ng PNP at PDEA na nagresulta sa matagumpay nilang operasyon. (JESSE KABEL)
175
