AGRI SECTOR IKINATUWA PAGLABAS NG ASF VACCINE

IKINATUWA ng sektor ng agrikultura ang anunsyo ng Food and Drug Administration (FDA) na naglabas na sila ng Certificate of Registration para sa bakuna sa African Swine Fever (ASF).

Ayon kay Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones, bilang chairman ng Pork Producers Federations of the Philippines, Inc., at presidente ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines o AGAP Party-list, magandang balita ito sa kanilang sektor dahil mayroon nang gagamiting bakuna laban sa ASF at pasado na ito sa pagsusuri.

Ayon pa kay Briones, bagama’t ang ASF ay hindi nagdudulot ng banta sa kalusugan ng tao, nakapipinsala naman ito sa mga baboy, ang isang may impeksiyon ay kayang lipulin ang isang buong kawan.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na magsisimula na sila sa pagpapakalat sa nasabing bakuna sa mga apektadong lugar.

Ayon pa kay Laurel, 150 thousand na bakuna ang agad nilang dadalhin sa Red Areas ng ASF partikular sa mga lalawigan ng Batangas at Mindoro na sisimulan sa susunod na buwan.

“Malaking tulong po ito at matagal na pong hinihintay ng mga sektor ng pagbababuyan at ang pagkakaalam ko po, libre ito at iyon ang isang malaking pag-asa na dumating sa ating mga magbababoy na matagal nang pinapahirapan ng ASF at alam ko na aabot sa 600,000 baboy ang pwedeng bakunahan nang libre na nagkakahalaga ng P350 million ang budget. Ibig sabihin naglalaro sa ito between P550 to P600 ang halaga kada dose,” pahayag ni Cong. Briones.

Bagama’t limitado pa rin aniya sa ngayon ang supply ay libre namang ibibigay ng DA ang bakuna. Bahagi ng kabuuang 600k na bakuna na magmumula sa Vietnam ang 150 libong bakuna na unang ipamimigay ng Agriculture Department.

Sinabi ni Briones na wala pa silang nakikitang magiging epekto nito sa presyuhan ng baboy dahil libre pa itong ipagkakaloob subali’t kung sa mga darating na araw ay ipababalikat sa mga hog raiser, backyard o commercial raisers ang kada dose ng bakuna sa mga alagang baboy ay posibleng tumaas ang presyo ng karne sa merkado.

Pero kung maengganyong muli ang ilang dating magbababoy na bumalik sa pag-aalaga ng baboy, posibleng tumaas ang supply at bumaba ang presyo sa merkado.

Samantala, tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na naglaan ito ng P350 milyon para sa pagbili ng mga bakuna. Sasailalim sa controlled roll-out na pangangasiwaan ng Bureau of Animal Industry ang mga bakuna, kabilang ang mga mula sa Vietnam.

Nagpapasalamat ang sektor ng magbababoy kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at Sec. Kiko Laurel dahil napagkalooban sila ng libreng bakuna partikular ang backyard raisers na lubhang naapektuhan ng nasabing outbreak.

Kasabay nito, muli nilang hiniling na sana isunod ng pamahalaan ang bakuna laban sa bird flu.

“Kailangan din ng mga nasa sector ng poultry na mga pangitluging manok at broiler na magkaroon ng mabilisang bakuna para naman sa bird flu para maiwasang magkaroon ng problema sa supply ng itlog,” wika pa ni Rep. Nikki.

“Inumpisahan nila na magbigay ng libreng bakuna sana lahatin nila iyong backyard at commercial na buong populasyon ng baboy sa bansa. Magiging malaking tulong ito para sa mga ating hog raisers para magkaroon sila ulit ng lakas ng loob na mag-alaga at magparami.

Lalong malaking tulong ito sa ating mga consumers, mamili dahil pwedeng bumaba ang presyo ng baboy kapag dumami ang supply ng ating karneng baboy sa ating bansa. Bababa ang presyo makikinabang ang mamimili o pamilyang Pilipino sa ating bansa,” pagwawakas ni AGAP Rep. Briones.

262

Related posts

Leave a Comment