HINIMOK ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles ang mga magulang na samantalahin ang pagpapaliban sa pagbubukas ng klase upang mai-enroll ang kanilang mga anak.
Ginawa ni Nograles ang panawagan sa mga magulang dahil mayroon pa umanong apat na milyong estudyante ang hindi nakakapag-enroll na posibleng maidagdag sa bilang ng mga out-of-school youth ngayong taon.
“Umaasa tayong gagamitin ng mga magulang ang pagkakataong binibigay ng delay sa school opening para i-enroll ang kanilang mga anak. Asahan po ninyo na susubaybayan natin ang implementasyon ng distance learning system ng DepEd nang masigurong may suporta ang inyong mga anak,” ani Nograles.
Mula sa orihinal na plano na Agosto 24 magbubukas ang klase ay inurong ito sa Oktubre 5 kaya may sapat na panahon pa umano ang mga magulang na ihabol ang kanilang mga anak na hindi nakapag-enroll.
Lumalabas sa datos ng Department of Health (DOH) na mula sa 27.7 milyon estudyante noong nakaraang school year, 23 milyon pa lamang ang nakapag-enroll hanggang noong Agosto 11.
Base sa pahayag ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa Senate hearing kamakailan, sa 4 million estudyante na hindi nakapag-enroll ngayong School Year (SY) 2020-2021, 2.7 million dito ay dating nag-aaral sa mga pribadong paaralan habang 1 milyon naman ang mula sa mga public school.
Tinatayang 380,000 kindergarten hanggang senior high school na dating nag-aaral sa pribadong paaralan ay lumipat sa mga public school.
Samantala, iminungkahi rin ni Nograles sa DepEd na tulungan ang mga magulang sa pagtuturo na kanilang magiging papel sa distance learning method na ipatutupad habang nasa gitna ng pandemyang COVID-19 ang bansa.
Sinabi ng kongresista na magiging de facto teachers ang mga magulang sa bagong sistemang ito kaya dapat ituro sa mga ito ang dapat nilang gawin upang hindi mangapa sa pagbabantay at pagtuturo sa kanilang mga anak.
“Iyon pong mga issue kagaya ng delivery ng learning materials, kasama na rin ang mga planong pagbigay ng ayuda at suporta sa mag-aaral at guro, ayusin na po natin lahat,” ayon pa kay Nograles. (BERNARD TAGUINOD)
299
