NARAMDAMAN agad ng mga negosyante ang magandang pagbabago sa ilalim ng pamumuno ni dating Olongapo Mayor Rolen C. Paulino buhat nang maupo nitong nakaraang Marso bilang Chairman & Administrator ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na taga-pangasiwa ng Subic Bay Freeport Zone.
Ito Ang Totoo: marami ang umaasa na magpapatuloy ang mga pagbabago na magpapagaan sa pagnenegosyo at lumikha ng trabaho para sa mamamayan ng mga komunidad sa paligid nito.
Walang problema kay Chairman Paulino, pero may ilang dati nang naka-pwesto na dapat niyang matuwid kung paano magtrato sa mga nagnenegosyo.
Pinuna na ito ng Subic Bay Freeport Chamber of Commerce (SBFCC) sa isang manifesto na isinumite kay Chairman Paulino.
Ito Ang Totoo: kapag inipit ang negosyo, maaaring malugi at magsara ito na ang resulta ay ang pagkawala ng trabaho, ganoon din ang kita ng gobyerno.
Kapag nawalan ng trabaho ang isang tao, damay ang buong pamilya nito. Apektado ang pag-aaral ng mga anak, pambayad sa bahay, kuryente, tubig, gamot, etc.
Kaya naman ang mga negosyo, dapat tinutulungan, hindi pinahihirapan.
Ito Ang Totoo: isang halimbawa ng maling pamamalakad sa SBMA ay ang pagiging tagasita ng ilang opisina sa mga negosyante sa halip na gabayan at tulungan upang makatupad sa mga patakaran.
Dapat lang na may patakaran para mapanatili ang kaayusan. Ang hindi tama ay ang paghahanap ng butas at kapag nabutasan ay bahala na ang negosyante na humanap ng paraan. Partikular na gawi ito ng ilang “account officers” na kung umasta ay tila ang kapangyarihan ay daig pa ang sa SBMA chairman.
Ito Ang Totoo: nakalulungkot din na ang mga simpleng bagay ay pinalalaki dahil sa kakulangan ng kakayahang magpairal ng “common sense” kaya may mga negosyong nawiwindang sa halip na matulungan.
Halimbawa, ang pagbibigay ng “payment scheme” ng “SBMA Board of Directors” na tulong ng SBMA sa mga negosyo para gumaan ang mga
bayarin at magamit pa ang pondo bilang puhunan.
Pero meron diyan, binabalewala ang aprubadong “payment scheme” ng “Board of Directors” at gustong kumpiskahin ang “security deposit” at/o kailangan pa itanong sa “Legal Office” kung ano ang gagawin.
Ang resulta, natetengga ang pera ng negosyo, tumatagal ang proseso, pati mga empleyado ay apektado.
Ito Ang Totoo: pinakamataas na otoridad sa ahensya na tulad ng SBMA ang “Board of Directors” kaya ang desisyon nito ay hindi mababali o mababago liban na lang kung ito mismo ang gagawa nito.
Ang sino mang empleyado ng SBMA, kahit pa hepe ng departamento ay walang karapatan o kapangyarihan na baguhin, lalo na balewalain, ang inaprubahan at pinagtibay ng “SBMA Board”. “Common Sense”, ‘di po ba Finance Deputy Administrator Antonietta P. Sanqui? “Common Sense” lang. Ito Ang Totoo!
