PAGBALING SA SPORTS SA PANAHON NG PANDEMYA

ISANG pangkaraniwang bagay na para sa isang tao ang humanap ng paraan upang maibsan ang dinadala nitong bigat ng kalooban sa panahon ng pagsubok gaya ngayong pandemya. Ang iba ay ibinabaling ang atensyon sa ibang bagay gaya ng isports at musika.

Sa larangan ng isports, isa ang basketball sa pinaka-paborito ng mga Pilipino. Ito ay tila bahagi na ng ating kultura at maituturing na mabisang paraan upang makalimot ng kahit panandalian sa mga problema at para mabawasan ang stress na dinadala. Ito ay isa ring kilalang paraan ng pagbubuklod-buklod ng mga magkakaibigan at magka pamilya habang sama-samang nagpapalipas ng oras.

Ngunit sa pagpasok ng COVID-19 sa eksena, ang mga team sports kagaya  ng basketball ang pansamantalang pinitigil. Bunsod din nito ay naapektuhan ang mga malalaking liga sa ating bansa gaya lalong lalo na ang PBA. Isang larong pang-koponan ang basketball kaya’t kung ito ay ipagpapatuloy lamang nang walang inaalalang mga panuntunan sa kalusugan, malaki ang posibilidad na maging mabilis ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng basketball. Sa panahon n gayon ay napakahalaga ng social at physical distancing upang makaiwas sa virus.

Bagama’t wala pang konkretong plano ukol sa muling pagbabalik ng ika-45 na season ng PBA, na naantala bunsod ng pandemyang COVID-19, maaari nang bumalik sa training ang mga manlalaro. Lubos naman ang pasasalamat ni PBA Commissioner Willie Marcial sa pamahalaan at sa IATF sa pagbibigay ng pagkakataon sa PBA na muling makabalik sa operasyon kahit na training lang muna sa ngayon.

Ang NBA ay nag-anunsyo ng muling pagbabalik- operasyon ngayong buwan ng Hulyo. Pansamantalang maninirahan ang mga manlalaro ng NBA sa Disneyland sa Florida kung saan may nakahandang bubble facility para sa mga manlalaro upang masiguro na ligtas sila at hindi madadapuan ng virus. Ito ay hindi pa kayang gawin sa ngayon sa PBA dahil wala naman ganyang pasilidad na gaya ng NBA.

Sa halip na gayahin ang bubble facility ng NBA, sisiguraduhin na lamang ng PBA na babantayan nilang mabuti at regular na isasailalim sa check up ang mga manlalaro upang masiguro na talagang isinasagawa ng mga ito ang karampatang pag-iingat na kailangan upang maiwasan ang pagkakaroon ng virus.

Ayon sa mga balita, ang mga manlalaro ng PBA ay hindi maaaring pumunta sa ibang lugar maliban na lamang sa kanilang training facility mula sa kani-kanilang mga bahay. Ito ay isang routine na kailangang mahigpit na sundin ng bawat manlalaro upang hindi sila magkaroon ng exposure sa virus. Ang maganda rito sa sistemang ipatutupad ng PBA ay maaaring makauwi sa kani-kanilang pamilya ang mga manlalaro.

Sa pagbabalik ng PBA sa regular na season nito, malamang ay hindi ma giging posible para sa mga taga-hanga ang makanood ng mga laro nang live. Ito ay para sa kaligtasan din ng mga tagahanga at ng manlalaro. Ang mahalaga ay masisilayan nating muli ang ating mga idolo at magkakaroon tayo ng konting pakiramdam ng pagbabalik sa ating normal na sistema sa pamamagitan ng pagbabalik ng basketball.

Hinding hindi matatawaran ang kahalagahan ng isports sa pagpapanatili ng positibong disposisyon ng mga tao. Malaki ang tulong nito sa pagbabawas ng stress, pagdurusa, at maging sa anxiety. Kahit na pansamantala lamang na paglimot sa mga dinadalang problema ang dulot ng panonood ng basketball, napakalaking tulong na nito sa ating lahat lalo na sa mga tagahanga ng isports na ito.

SA GANANG AKIN
Ni JOE ZALDARRIAGA

279

Related posts

Leave a Comment