KUNG dati ay hanggang dalawang linggo lang nasa labas ng Pilipinas ang dating economic adviser ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang, ngayon ay umaabot na ito ng buwan sa hindi malamang kadahilanan.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on dangerous drugs kahapon, hindi dumalo si Yang kahit inimbitahan ito ng komite matapos makaladkad ang kanyang pangalan sa Empire 999 na may-ari ng bodega sa Mexico, Pampanga na nahulihan ng 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon.
Kinuwestiyon ni Bukidnon Rep. Keith Flores ang dokumentong isinumite ni Atty. Raymund Fortun hinggil sa travel document ni Yang na nagpapakita na isa hanggang dalawang linggo lamang ito sa ibang bansa kapag bumibiyahe at bumabalik agad ito.
“This time while the committee on dangerous drugs has been focusing on him on his supposed involvement (on this case) he’s been gone Mr. chair,” pahayag ni Flores.
Sinabi ng mambabatas na umalis ng bansa si Yang noong unang linggo ng Mayo 2024 at hanggang ngayon ay hindi pa ito bumabalik sa bansa kaya hindi maiwasang magduda na umiiwas ang dating economic adviser ni Duterte.
Ayon naman sa chairman ng komite na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ito na umano ang pinakamatagal na biyahe ni Yang sa labas ng bansa.
Si Yang ay nakaladkad sa Empire 999 dahil ang mga opisyales sa nasabing kumpanya ay mga incorporator din umano sa mga kumpanya nito tulad ni Lincoln Ong na unang nakilala dahil sa Pharmally scandal.
Opisyal ng Empire 999 no show din
Samantala, tulad ng inaasahan, hindi pa rin nagpakita ang mga opisyales ng Empire 999 tulad ni Willy Ong, kaya lalong lumakas ang duda at ebidensya na sila ang may-ari ng nakumpiskang droga.
“Despite several invitations, the corporation’s officers failed to show up even when their corporate existence has been threatened with cancellation, leading us to conclude that they own the illegal drug shipment,” ani Barbers.
Kinumpirma rin ng National Bureau of Investigation (NBI) na kinasuhan na umano si Willy Ong at iba pa dahil sa pamemeke ng dokumento gaya ng pagkakaroon ng birth certificate, Philippine passport, drivers license at iba pa. (BERNARD TAGUINOD)
