Hudyat na ng ‘giyera’ sa admin? VP SARA NAGBITIW SA DEPED, NTF-ELCAC

NAGBITIW kahapon si Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at Vice Chairperson ng NTF-ELCAC.

Batay sa resignation letter, epektibo sa July 19, 2024 ang pagbibitiw ni Duterte ngunit wala itong inilagay na dahilan.

Kinumpirma naman ng Palasyo ng Malakanyang na tinanggap ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Duterte bilang Cabinet Secretary.

Patuloy naman nitong gagampanan ang tungkulin bilang pangalawang pangulo ng bansa.

Para naman sa isang mambabatas sa Kamara, indikasyon ito ng tuluyang paghihiwalay ng landas at ‘giyera’ ng Marcos-Duterte tandem.

“The resignation of VP Duterte from the Marcos Jr. Cabinet also marks the open war between the former allies and the upcoming escalation of hostilities between the two camps,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

Unang nagsama sina Marcos at Duterte noong 2022 presidential election sa ilalim ng Team Unity subalit nagkaroon ng lamat ang relasyon ng mga ito dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

Inamin ng mambabatas na kabilang siya sa mga nanawagan kay Duterte na mag-resign bilang DepEd Secretary dahil hindi umano nito alam ang kanyang trabaho sa sektor ng edukasyon.

“Sa wakas ay nagresign na din sa DepEd si VP Sara sana ay mas maaga niya ito ginawa para makapaglagay ng isang kalihim ng DepEd na galing talaga sa sektor ng edukasyon at alam ang kanyang ginagawa,” ani Castro.

“In resigning her post from the NTF-ELCAC we hope that the red-tagging agency would also be abolished. It is nothing but an apparatus of the state to violate human rights and spread fake news,” dagdag pa ni Castro. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

187

Related posts

Leave a Comment