PAGHAHAIN NG WARRANT NAUWI SA ENGKWENTRO, 4 PULIS SUGATAN

QUEZON – Apat na pulis ang nasugatan matapos magkaroon ng engkwentro habang naghahain ng warrant of arrest ang mga awtoridad sa tatlong wanted persons sa Brgy. Manggagawa, sa bayan ng Guinayangan, sa lalawigan noong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang mga nasugatan na sina PCMS Crisologo Castillo, 44, miyembro ng Guinayangan Police; PEMS Alex Maigue, 44; at PSSg John James Red, kapwa miyembro ng Regional Intelligence Unit ng Calabarzon PNP, at PCMS Domingo Jalmasco Enraca Jr., 42, miyembro ng Regional Intel Unit ng PRO5-Bicol PNP.

Ayon sa ulat ng Guinayangan Police, bandang alas-6:45 ng umaga nang ang magkasanib na pwersa ng mga operatiba mula sa Camarines Sur PPO, Albay PPO, Region 5 PNP at iba’t ibang unit mula sa CALABARZON Police, ay nagsagawa ng operasyon laban sa most wanted persons na sina Richard Oderece Rabe, Roy Armillo, at Magno Rivera na pawang may kasong murder.

Subalit habang isinasagawa ang paghahain ng warrant, nagkaroon ng engkwentro kung saan nasugatan ang apat na pulis.

Mabilis namang nakatakas ang tatlong suspek palayo sa lugar.

Dinala ang nasugatang mga pulis sa Quezon Provincial Hospital Network sa Guinayangan para sa paunang lunas at saka inilipat sa Quezon Medical Hospital sa Lucena City.

Patuloy ang isinasagawang pursuit and dragnet operation ng mga awtoridad laban sa mga suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

62

Related posts

Leave a Comment