KALABOSO ang manager ng isang quarry sa Taysan, Batangas makaraang makumpiska sa kanya ang tatlong hindi lisensyadong baril sa isinagawang search warrant operation ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) kahapon ng umaga.
Nakilala ang inarestong suspek sa kanyang alyas na Chester, na manager ng Golden Mountain Aggregates Corporation na operator ng isang quarry sa Barangay San Marcelino sa Taysan, Batangas.
Sa inisyal na ulat, nakumpiska mula sa suspek ang tig-isang kalibre .45 na 5.56 rifle at isang 40 caliber na pistola bukod sa mga magazine at bala para sa tatlong baril, na pawang walang mga kaukulang dokumento.
Ayon kay CIDG director Major General Nicolas Torre III, ipinatupad ang search warrant operation ng CIDG Region 4A laban sa suspek dahil sa paglabag sa RA10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Law.
Nang walang maipakitang lisensya at dokumento na pag-aari nito ang mga nakuhang baril, agad itong dinampot ng awtoridad.
Lumalabas din na ang suspek ay abusado at madalas itong nagpapaputok ng baril na ikinakatakot ng mga trabahador. Bukod dito, may kaso din itong attempted murder ng nakaraang taon matapos na barilin ang isang trabahador na muntikang masawi.
(TOTO NABAJA)
