PAGHAHANDA SA LA NIÑA NILALATAG NA

TINIYAK sa publiko ng task force laban sa El Niño na nakahanda na ito para pagaanin ang epekto ng La Niña.

Ito’y matapos itaas kamakailan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang La Niña Watch sa kabila ng nananatiling hinaharap pa rin ng bansa ang epekto ng El Niño o matinding tagtuyot.

Ayon kay Task Force El Niño spokesperson at Presidential Communications Office Assistant Secretary Joey Villarama, ang paghahanda para sa La Niña ay kabilang sa mandato ng inter-agency task force base sa ipinalabas na executive order ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nito lamang unang bahagi ng taon.

Kabilang sa itinuturing na focus areas ang food security, water security, energy security, public health, at public safety.

Gayundin, ang low-lying at flood-prone areas ay mahigpit na imo-monitor sa pakikipagtulungan sa local government units.

Ang La Niña ay isang penomenong pangkaragatan at panghimpapawid na katapat ng El Niño bilang bahagi ng mas malawak na gawi o padron ng klimang El Niño–Southern Oscillation.

Sa loob ng panahon ng La Niña, ang temperatura ng ibabaw ng dagat sa kahabaan ng pang-ekwador na Silanganing Gitnang Karagatang Pasipiko ay magiging mas mababa ng 3-5 mga gradong Celsius kaysa normal.

Ayon sa PAGASA, tinatayang 55% ang posibilidad ng La Niña phenomenon na tatama sa susunod na anim na buwan.

(CHRISTIAN DALE)

225

Related posts

Leave a Comment