PAGPAPALAKAS SA BFP ISINUSULONG NGAYONG FIRE PREVENTION MONTH

ISINUSULONG sa Senado ang pagpapalakas sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang higit itong maging epektibo sa pagtugon sa mga insidente ng sunog.

Sa isang pahayag kamakailan, binigyang-diin ni Senador Bong Go ang kahalagahan na mapagbuti ang serbisyo ng BFP at kasabay nito ay pinaalalahanan niya ang publiko na ang buwan ng Marso ay “Fire Prevention Month”.

Ayon kay Senador Go, “maging mas maingat po tayo dahil itong buwan na ito ay panahon ng mga sunog at mahihirapan ang ating mga bumbero na maapula ang mga sunog kapag nagsabay-sabay na ito sa isang lugar”.

Dahil dito, sinabi ng senador na naihain na niya ang Senate Bill No. 1832 na palalakasin pa ang BFP sa pamamagitan ng pagbili ng mga makabagong kagamitan, dagdag na tao, at specialized training para sa mga tauhan nito.

“Sisikapin ko kong maipasa ang mga panukalang ito para wala nang buhay ang mawawala dahil sa sunog,” dagdag pa ni Go.

Kasabay nito, nangako rin ang mambabatas mula sa Davao City na patuloy siyang tutulong sa mga kababayan na biktima ng mga trahedya at krisis tulad ng mga nasunugan saan mang dako sa Pilipinas.

“Wala po tayong iiwan o papabayaan na mga kababayan lalo na ang mga biktima ng trahedya dahil trabaho po namin sa pamahalaan na alalayan kayo hanggang sa muli kayong makabangon sa mga trahedya o kalamidad,” ani Go. (CHRISTIAN DALE)

613

Related posts

Leave a Comment