PANSAMANTALANG SOLUSYON SA PERMANENTENG PASANIN

CLICKBAIT ni jO BARLIZO

NOONG Abril, inalis ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang excise tax sa LPG at kerosene, ngunit binawi ang suspensyon nitong Hulyo.

Kamakailan, muling ipinatupad ang suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene matapos ilabas ang Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 100-2026, alinsunod sa Executive Order (EO) No. 125 na nilagdaan ng Pangulo.

Pansamantalang suspensyon nga, pero tila balewala rin dahil tumaas ang presyo ng LPG at posibleng sumirit din ang presyo ng kerosene, kasama ng gasolina, ngayong linggo.

Tatlong beses daw magtataas ng presyo ng LPG ngayong buwan. Pautay-utay nga, pero sapol pa rin ang mga Pilipino sa bigat ng P18 dagdag-presyo bawat kilo.

Ayon kay LPG Marketers Association (LPGMA) founder Arnel Ty, bunsod pa rin ito ng kaguluhan sa Middle East at pagkabigo sa negosasyon sa pagitan ng Amerika at Iran.

Sapat naman daw ang supply.

Sapat nga, pero may pagmamahal—ng presyo.

Paano na si Aling Caring? Baka lumiit o bawasan na niya ang atado ng menudo, bopis o adobo.

Apektado ang maliliit na negosyo, siguro naman ay hindi nila ipapasa sa suki ang buong pasanin ng dagdag-gastos sa karinderya. Pero hanggang kailan nila kakayanin?

Mawawalan ang gobyerno ng higit P700 milyon na kita bawat taon dahil sa suspensyon ng excise taxes sa LPG at kerosene. Pero ang higit na lugi ay ang taumbayan.

Kaya lalo ngayong ipinagdidikdikan na hindi na rin dapat suspendihin ang excise tax sa diesel at gasolina dahil tinatayang aabot sa P12 bilyon ang mawawalang kita ng gobyerno.

‘Yun pala, sa halip na suspendihin ang excise tax, itutuloy na lamang ng gobyerno ang pagbibigay ng subsidiya sa mga tao bilang tugon sa tumataas na presyo ng fuel.

Eto na.

May nakalaang P3 bilyong fuel subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda at agri-truckers bilang tulong sa mataas na gastusin sa krudo. Tig-P1 bilyon ang nakalaan para sa bawat sektor, at tinatayang aabot sa 300,000 ang mga benepisyaryo.

Naku, balewala rin ang mga subsidiya hangga’t hindi nakokontrol ng gobyerno ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Ang mga konsyumer pa rin ang pumapasan sa bawat pagtaas ng presyo—mula sa pamasahe hanggang sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Proteksyon laban sa nakalululang presyo ang kailangan ng mga tao.

Nagpapalugi lamang ang gobyerno sa mga bawas-buwis at subsidiya kung walang malaki at konkretong aksyon para tugunan ang ugat ng problema. Kulang ang pansamantalang lunas kung walang pangmatagalang hakbang upang magkaroon ng mas makatarungan at matatag na presyo ng mga produktong petrolyo.

Kailangan ang pangmatagalang solusyon.

Ika nga ni Rep. Chel Diokno, hindi pwedeng puro pansamantalang solusyon. Habang nakadepende tayo sa imported na langis, paulit-ulit na tatamaan ang mga Pilipino sa tuwing tumataas ang presyo sa world market.

Mas matatag na sariling supply ng enerhiya ang kailangan.

Kaya isinusulong niya ang House Resolution No. 875, na layuning magkaroon ng mas stable na presyo, mas siguradong supply, at mas kaunting dagdag-pasanin sa bawat pamilyang Pilipino.

Dahil kung ang solusyon ay puro suspensyon ng buwis at panandaliang subsidiya, paulit-ulit lamang ding babalik ang problema.

At sa bawat balik nito, taumbayan pa rin ang unang sinisingil.

63

Related posts

Leave a Comment