PALPAK, PALPAK, PALPAK KASI KAYO!

NAGSISIMULA pa lang buksan ang ilang mga negosyo na makatutulong upang magkaroon ng mga trabaho ang mga kababayan nating walang trabaho para sumulong at makabangon ang ekonomiya ngayong taon, tapos bigla namang tumaas ang bilang ng mga taong tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ilang araw nang mahigit apat na libo hanggang mahigit limang libo ang naitatalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa ­National Capital Region (NCR), ayon sa Department of Health (DOH).

Sa bilang na ‘yan, mayroong substansiyal na bilang ng COVID -19 na United Kingdom at South African ang variants.
Naganap ang pagsipa na ito na halos sumabay sa programang baksinisasyon ng pambansang pamahalaan sa NCR.

Pokaragat na ‘yan!

Mababa pa ang mahigit 5,000 bagong kaso ng ­COVID-19, ayon sa OCTA Research Group, dahil prediksyon nito ay tataas pa ito hanggang sa 6,000, o higit pa, kada araw sa mga susunod na buwan kapag hindi ipinatupad nang tama ang mga protocol laban sa COVID-19.

Ito ang mga pagsusuot ng face mask, face shield, isang ­metrong layo ng bawat tao, ­paghuhugas ng mga kamay at iba pa.

Upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, partikular sa NCR, biglang nagtulungan ang mga pamahalaan lokal sa NCR, ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) at Philippine National Police (PNP), partikular ang yunit nitong National Capital Region Police Office (NCRPO).

Dapat lang!

Tiniyak ng mga opisyal ng mga nasabing ahensiya ng pamahalaan na hihigpitan nila ang pagpapatupad ng mga protocol laban sa COVID-19.

Upang matiyak na susunod ang mga tao sa Quezon City, ibang klase itong ipinagawa ni Mayor Joy Belmonte sa Quezon City Police District (QCPD).

Binigyan ng mga yantok ang pulis ng QCPD upang gamiting panukat sa pagpapairal ng isang metrong layo ng mga

residente sa bawat isa.

Pokaragat na ‘yan!

Gumastos naman ang mga pamahalaang lokal sa mga tiket na ibibigay ng mga taga-barangay sa mga lalabag sa protocols laban sa COVID-19.

Pokaragat ‘yan!

Iba pa ‘yan sa itinakdang “uniformed curfew hour” sa buong NCR na 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.
Ipatutupad daw nang istrikto ito ng mga pulis sa NCR, banggit ng hepe ng NCRPO na si Major General Vicente Danao Jr.

Hindi ko alam kung kumpleto na ang mga nabanggit ko.

Pero, ang layunin ko lang sa paglalatag ng mga ginawang hakbang ng mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng ­pamahalaan sa Metro Manila ay upang ­mapansin ninyo na kung kailan muling lumala ang kalagayan ng COVID-19 sa NCR ay saka muling kumilos at nagsagawa na ­naman ang mga opisyal ng samu’t ­saring hakbang upang pigilan ang ­problemang ­nagsimula noong Marso ng nakalipas na taon.

Noong Marso 15 ng taong nakalipas, isinailalim sa “enhanced community quarantine” (ECQ) ang NCR dahil sa ­

COVID-19.

Marso 17 ng parehong taon, pinalawig ito sa buong Luzon.

Hindi nagtagal, nagsunuran na rin ang iba’t ibang ­pamahalaang panlalawigan, panglungsod at pambayan sa pagpapatupad ng kanilang porma ng lockdown.

Hindi nagtagal, ginawang “general community quarantine” (GCQ) ang ECQ.

Ngunit, mistulang walang nangyari dahil tumindi nga uli ang suliranin ng bansa sa COVID-19.

Palagay ko, intindido ng napakaraming Filipino na kailangang maghigpit sa pagpapatupad ng mga alituntunin dahil napakaraming Filipino ang ubod nang tigas ng ulo.

Ngunit, ang higit na ­matinding problema ng ating bansa ay ang walang tigil na kapalpakan ng mga opisyal at kawani ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Sa totoo lang, noong panahong mayroong ECQ, GCQ hanggang sa kasalukuyan ay hindi naman tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng mga protocol laban sa COVID-19.

Trip – trip lang!

Kung kailan gusto, saka ipinatutupad.

Katulad ngayon – mahigpit na ipatutupad daw ang pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing at iba pa, ngunit hindi totoong lahat ‘yan.

Sinasabi lang ng mga opisyal sa media upang malaman ng mga makakaalam ang balitang ‘yan na mayroon silang ginagawa.

Bakit ko nasabi ‘yan?

Dito sa amin, mayroong ­babaeng nagpapataya sa jueteng ng tatlong beses kada araw, ­ngunit hindi hinuhuli ng mga pulis.

Ang babaeng ito ay nasa baba ang face mask at walang face shield, pero hindi hinuhuli ng mga pulis.

Mayroong tupada rin tuwing linggo na walang suot na face shield ang mga sabungrero at sa baba nakalagay ang face mask.

Pumunta kayo sa mga palengke para makita ng inyong mga mata na maraming tao rito na dikit-dikit, hindi suut-suot nang wasto ang kanilang mga face shield at face mask.

Bisitahin n’yo rin ang mga terminal ng bus, dyip, taksi, traysikel at padyak upang madiskubre ninyo ang tahasang paglabag ng mga driver.

Sigurado ako na ganyan din sa inyong mga lugar.

Hindi po ba’t tama ako?

Palaging ganyan ang ­mangyayari dahil palpak, ­palpak, palpak at palpak ang mga tagapagpatupad ng batas at mga alintuntunin laban sa COVID-19.

At siyempre, palpak, palpak, palpak at palpak din sila laban sa mga iligalidad tulad ng jueteng at tupada.

205

Related posts

Leave a Comment