PANUKALANG P200 DAGDAG SAHOD IPINASA NA SA KAMARA

PINAGTIBAY na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na dagdagan ng P200 ang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa kada araw.

“With One hundred seventy one members voting in affirmative, one negative and zero abstention, the chair declares House Bill (HB) 11376, An Act Providing for P200 Daily Wage Increase for the minimum wage workers in private sector is hereby approved in third reading,” deklara ni presiding speaker Rep. Raymond Democrito Mendoza.

Pasado alas-singko y medya ng hapon kahapon nang isalang ang nasabing panukalang batas sa ikatlo at huling pagbasa kung saan pinasalamatan ni Mendoza ang kanyang mga kasamahan sa pagsuporta sa kanyang pet bill.

Noong Lunes ay sumugod sa Batasan Pambansa ang mga manggagawa para igiit sa mga mambabatas na ipasa ang nasabing panukala.

Gayunpaman, kahapon lamang ito isinama sa order of business sa plenaryo ng Kamara.

Unang ipinasa sa ikalawang pagbasa ang nasabing panukala noong Pebrero 5, 2025 at bago nagbalik ang sesyon ng Kongreso noong June 2 ay nanawagan si Mendoza kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na sertipikahan ito bilang urgent bill.

Subalit hindi naglabas si Marcos ng sertipikasyon pero nakipagpulong umano ito sa Trade Union of the Philippines (TUCP) noong Martes.

Habang isinusulat ito ay hindi pa pinapangalanan ang mga miyembro na uupo sa Bicameral Conference committee na makikipagpulong sa Senate contingent na unang nagpasa ng P100 wage increase.

Kapag inaprubahan sa Bicameral conference committee, ito na ang ikalawang legislated wage increase sa kasaysayan ng bansa dahil noong 1989 ay ipinasa ng Kongreso ang P25 across the board wage hike.

(BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment