EPEKTO NG PAGSASAPRIBADO SA NAIA SISILIPIN SA KAMARA

NAGHAIN ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para imbestigahan ang magiging epekto sa mga Pilipino ng pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Base sa House Resolution (HR) 2316 ina inakda nina Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, ACT Teacher party-list Rep. France Castro at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, inaatasan ng mga ito ang House committee on transportation na imbestigahan ang isyu.

Unang isinapribado ang NAIA noong September 2024 kung saan ibinigay ang kontrata sa San Miguel Corporation-SAP Consortium na kinabibilangan ng San Miguel Corporation ni Ramon S. Ang, RMM Asian Logistics, Inc; RLW Aviation Development, Inc. at Incheon International Airport Group.

Partikular na nais alamin sa imbestigasyon ang epekto sa mga mananakay dahil ngayon pa lamang ramdam na umano ito ng mga tao.

Sinabi sa resolusyon na bagama’t hindi pa tapos ang rehabilitasyon sa NAIA, tumaas na ang parking fees na mula sa P300 na sinisingil sa bawat sasakyan na iniiwanan ng mga pasahero kada araw ay naging P1,200 na ito.

Ang short-term parking ay naging P50 sa unang 2 oras at karagdagang P25 sa bawat oras mula sa dating P40 sa unang tatlong oras at karagdagang P15 sa bawat oras na inilalagi ng sasakyan sa parking lot.

Sa September 2025 ay tataas naman ang aeronautical charges sa mga bababa at lilipad na mga eroplano sa NAIA maging ang terminal rental, tracking operation, aircraft parking ng Philippine Airlines (PAL), Cebu Pacific at Air Asia Philippines.

“To recover from the impending increases in the cost of flying in NAIA, the three domestic carriers sought the approval of the Civil Aeronautics Board (CAC) for the collection of terminal enchantment fees ranging from P150 to P190 for domestic flight and P275 to P300 for international flights, on top of other booking expenses changed to passengers such as these fare, fuel surcharge, passenger services change and value added tax (VAT),” bahagi ng resolusyon.

Nababahala rin ang mga nabanggit na mambabatas dahil nagkakaroon umano ng monopolya sa pagpapatakbo sa NAIA dahil bukod sa nasabing paliparan ay nasa kontrol din ng SMC ang New Manila International Airport (NMIA) na mas kilala sa Bulacan Aerotropolis Projects.

Kahapon ay ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang bagong teknolohiya na kabilang sa pagpapabuti sa serbisyo sa paliparan.

Kaabang-abang umano ang ikakasang ‘facial recognition technology’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa mas episyenteng proseso para sa mga international at domestic passengers.

Sinabi ng Pangulo na ang nasabing teknolohiya ay sagot sa mahabang pila na nararanasan ng mga pasahero.

Inaasahan na maipatutupad ito sa loob ng anim na buwan.

Inisa-isa rin ng Pangulo ang mga bagong pasilidad ng Terminal 3 matapos ilipat ang pamamahala sa NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) kabilang ang bagong OFW Immigration Annex, OFW Lounge and Rest Area, Transport at Network Vehicle Service Area, at arrival service area.

Samantala, sinabi ni NNIC Chairman Ramon Ang na mas lalawak pa ang kapasidad ng mga terminal sa 2026.

Sinabi pa nito na itatayo na rin ang terminal 5 na kapag isinama sa kapasidad ng Terminal 2 ay kayang tumanggap ng 35 milyong pasahero taun-taon.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

47

Related posts

Leave a Comment