LUMUSOT na sa committee level sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukala ni Rizal Second District Congressman Fidel Nograles na itatag ang Sierra Madre Development Authority (SMDA) upang maproteksyunan ang kabundukan ng Sierra Madre.
Sa virtual hearing ng House committee on Government Enterprises and Privatization na pinamumunuan ni Paranaque Rep. Eric Olivares, umani ng suporta ang House Bill (HB) 5634 na inakda ni Nograles, hindi lamang sa Department of Environment and Natural Resources kundi sa mga local officials tulad ni Cagayan Gov. Manuel Mamba.
“House Bill Number 5634 is hereby approved subject to style,” ani Olivares matapos magmosyon si Pangasinan Rep. Tyrone Agabas na aprubahan ang nasabing panukala dahil sa nakuha nitong suporta.
Inihain ni Nograles ang nasabing panukala upang maisalba ang 500 kilometrong kabundukan mula Cagayan Valley hanggang sa lalawigan ng Quezon dahil unti-unti na itong nakakalbo sa walang habas na illegal logging activities.
Ginawa ng mambabatas ang nasabing panukala kasunod ng malawakang pagbaha na naranasan sa Marikina City, Rizal hanggang sa Isabela at Cagayan nang manalasa ang bagyong Ulysses.
Nangyayari umano ito dahil nauubos ang mga punongkahoy sa kabunsukan kaya walang proteksyon ang mga tao sa baha. Ito ang dahilan kaya kailangang magkaroon na aniya ng government body para protektahan ang nasabing kabundukan.
“Malaki talaga ang impact nito. The increased frequency and severity of flooding in areas close to the Marikina River, as well as in towns in the Cagayan Valley are attributed to the loss of Sierra
Madre’s forest cover––and we can no longer ignore this,” ayon sa Harvard trained-lawyer na si Rep. Nograles.
Layon ng SMDA na magkaroon ng planning, management at technical assistance para idevelop ang nasabing kabundukan at proteksyunan ito laban sa illegal loggers at mining operators. (BERNARD TAGUINOD)
