PARUSA PABIBIGATIN VS CYBERCRIMINALS

DAPAT sampahan ng mga awtoridad ng pinakamabigat na mga kasong kriminal ang mga credit card fraudster at tugisin ang mga patuloy na gumagawa ng identity theft at iba pang uri ng cybercrime, panawagan ni Senador Win Gatchalian.

Ginawa ito ng senador matapos ang pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Julius Anacin, isa sa mga suspek sa ginawang pag-hack sa credit card ng mambabatas noong Enero 6 at ginamit para makabili sa isang online delivery platform ng mga alak na umabot sa halagang 1.1 milyong piso.

“Ang insidenteng ito ay isang patunay na kailangan na talagang magkaroon ng batas na lalong magpapatibay sa financial system at dagdag proteksyon sa mga konsyumer laban sa hacking at dahil na rin mas nagiging kumplikado ang mga walang pahintulot na transaksyong isinasagawa ng mga hackers,” giit ng senador.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2287 o ang panukalang Financial Products and Services Consumer Protection Act na nagpapalawak sa mga masasakop na financial services at magbibigay ng dagdag na kapangyarihan at pagtutulungan ng mga financial regulators upang isulong ang kapakanan ng mga konsyumer. Umani na ito ng suporta

mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) pati na rin sa grupong Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX).

Pinagkakakitaan man ng malaki ng mga hackers ang cybercrime at identity theft, sa huli ay mabigat nila itong pagbabayaran sa batas at kabilang na dito si Anacin at mga kasabwat niya sa paggawa ng krimen, ani Gatchalian. (ESTONG REYES)

179

Related posts

Leave a Comment