BULACAN – Arestado ang isang security guard makaraang barilin ang isang lalaking pasaway sa enhanced community quarantine nang biglang pumasok ang biktima sa isang bakanteng yunit ng housing project sa Sitio Tubigan, Barangay Gaya-Gaya, SJDM City ng lalawigang noong Miyerkoles.
Base sa report ni P/Lt. Col. Gil Domingo, SJDM City police chief, kinilala ang arestadong suspek na si Efren Agleron y Martinez, security guard ng RSP Housing, agad nadakip makaraang barilin at mapatay ang biktimang si alyas boy, residente rin ng nasabing lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, pumasok ang biktima sa RSP Housing sa Sitio Tubigan, Barangay Gaya-Gaya nang walang pahintulot para magbawas sa palikuran ng isang bahay.
Ngunit sinundan siya ng suspek na sekyu at pinagbabaril gamit ang shotgun. Maging ang isang saksi sa insidente ay tinutukan ng shotgun ng suspek kaya mabilis na tumakbo at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Maayos namang sumuko ang suspek sa mga pulis at isinuko ang Armscor 12-gauge shotgun na ginamit sa pamamaril. (GINA BORLONGAN)
201 