HINIMOK ni Acting Chief Justice Marvic Leonen ang mga korte at kawani ng hudikatura na agad iulat ang anomang insidente ng graft at corruption upang mapanatili ang integridad at tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya.
Nagbabala si Leonen na ang pananahimik o pagbubulag-bulagan sa harap ng katiwalian ay maaaring magpalala sa kawalang-katarungan, lalo na para sa mga mahihina at walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Binigyang-diin ni Leonen na bawat akto ng korupsyon ay pumapabor sa mga makapangyarihan at mayayaman, habang higit na napag-iiwanan ang mga mahihirap.
Dahil dito, hinimok niya ang mga kawani ng hudikatura na magsumbong kapag may nalalaman o nakikitang katiwalian sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Inatasan din ni Leonen ang lahat ng Regional Court Managers at mga korte sa iba’t ibang antas na ipaalam sa publiko at mga kawani ang Judiciary Integrity Email, na maaaring gamitin sa pagsusumite ng mga reklamo at impormasyon hinggil sa mga insidente ng katiwalian.
Maaaring magsumbong dito ang mga mahistrado, hukom, abogado, litigants at iba pang judicial personnel.
Kabilang sa mga tinukoy na posibleng paglabag ang pakikipag-usap sa isang panig nang hindi nalalaman ng kabilang panig o ex parte communication, pagtanggap o paghingi ng suhol, at paggamit ng impluwensya upang makakuha ng pabor o impormasyon kaugnay ng mga kaso.
Layunin ng direktiba na mapalakas ang integridad ng hudikatura at matiyak na mananatiling patas, malinis at mapagkakatiwalaan ang sistema ng hustisya.
(JULIET PACOT)
63 