PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
BAKIT napakainit ng usapin ngayon tungkol sa flood control controversy — na ngayon ay naging dahilan ng kusang pagbibitiw sa puwesto ni Speaker Martin Romualdez.
Hayan na, ang panawagan ng madlang bayan na totoo namang sobra na ang galit sa trilyong pisong pondo na kung maalaala, mismong si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagbulgar!
Si PBBM sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ay ipinamukha sa mga mambabatas ang kanyang pagkadismaya sa natuklasang palpak, gumuguho at guni-guning flood control projects, at hanggang ngayong mataginting ang tinig ng ating Pangulo: Mahiya naman kayo!”
At matapos ang expose na iyon, mismong si PBBM ang personal na bumisita sa ibinulgar niyang ghost projects na iyon, bago pa man ang ginawang imbestigasyon ng Senado at ng Tricom ng House.
Isinangkot ng Pangulo ang taumbayan upang mapabilis ang pag-iimbestiga sa maanomalyang proyekto na kung naipatupad nang maayos, nang masinop, hindi sana nagdurusa ang ating bansa — na ngayon, maging ang international media ay inihahambalos ang laganap na korapsyon sa ating pamahalaan.
Nailantad ang maraming palpak na proyekto sa inilunsad niyang “Isumbong sa Pangulo website, kasunod, siya mismo ang nag-expose sa 15 contractors na ang mga lisensya ay kinansela na at blacklisted na.
Binalasa na ang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) at mahigit na 16 libo ang natanggap na sumbong sa website at patuloy na iniimbestigahan na, at kasunod, iniutos ni PBBM ang malawakang lifestyle check sa lahat ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Ano-ano pa ang magandang ibinunga ng expose ng ating Pangulo na nagpapakita na matapat siya, masigasig siya na mailantad at mausig at mapanagot ang mga korap sa gobyerno?
Nagbitiw si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan at natuklasan, isa sa kanyang mga anak, contractor pala, ay maliwanag na ito ay conflict of interest, at ang pumalit sa kanya, si Sec. Vince Dizon ay agad-agad na iniutos ang courtesy resignation ng mga opisyal at tauhan, at huling balita, hindi lamang tinanggap ang pagbibitiw, sinampahan pa ng patong-patong na kaso.
Klasiko ang sinabi ni Sec. Dizon, hindi raw tao ang mga korap sa DPWH, sila ay mga hayop!
Magkatulong na nagsampa ng mga kaso sa Ombudsman ang Commission on Audit at DPWH laban kina Engr. Hernandez at Engr. Alcantara et al na promotor ng korapsyon sa Bulacan na bilyon-bilyong piso ang napatunayang binulsa, kasabwat ang mga kontraktor sa kanilang mga ghost projects sa Bulacan.
Itong mag-asawang Discaya, hindi lamang sila mabulok sa bilangguan kungdi bawiin ang lahat ng nakaw nilang kayamanan, at salamat sa mabilis na kilos ng Bureau of Customs na pagsalakay at pagkumpiska sa kanilang mahigit sa 20 luxury cars na alam nating katas ng kanilang pagnanakaw, kasabwat ang mga hayop sa DPWH.
At upang maipakita ang kanyang sinserong aksyon upang matukoy at mapanagot ang mga korap — na walang sisinuhin at gaya ng pangako ng ating Pangulo, kahit kaalyado, kakilala o kaibigan, kung kasangkot sa pandarambong kanyang pananagutin.
Sa pamamagitan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na binuo ni PBBM sa inilabas niyang Executive Order 94, pananagutin ang lahat ng kasangkot sa korapsyong kaugnay ng flood control projects.
At ito pa ang matindi, iniutos na rin ng Pangulo ang assets freeze ng mga inuusig na mandarambong sa kaban ng bayan, at ang mga aksyong ito ay patotoo, ang ating Pangulo ay totoong abala upang maisaayos ang takbo ng gobyerno at malinis ito sa katiwalian.
Hindi madali ang desisyon na pagsabihan ng ating Pangulo na magbitiw sa puwesto niya ang ang pinsang si Speaker Romualdez, pero ginawa niya ito tanda ng pagpapakita ng kanyang liderato, at matatag na prinsipyong iligtas ang bansa sa korapsyon at totoong maitatag ang Bagong Pilipinas sa loob ng tatlong taon niya sa Palasyo.
Sa kilos na ito ni PBBM, alam natin, nasa likod niya ang sambayanang Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo com.
