DPA ni BERNARD TAGUINOD
KAHIT nag-resign na si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, hindi pa rin kakalma ang mga tao na galit na galit na malawakang katiwalian sa flood control projects.
Tuloy pa rin ang kilos protesta sa Setyembre 21 na itinaon sa anibersaryo noong magdeklara ng Martial Law ang dating diktador at ama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong 1972.
Nais ng mga tao na sa pagkakataong ito ay may maparusahan, may makulong at mabawian ng ari-arian sa mga sangkot sa anomalyang ito na hindi lamang nangyayari sa Bulacan kundi sa buong bansa.
Sa nakaraang mga panahon, ang daming nasangkot sa katiwalian pero imbes na makulong sila ay nahalal pa at ginagamit ang kapangyarihang ibinigay sa kanila ng mga tao para depensahan ang kanilang sarili at hindi ang taumbayan na nagluklok sa kanila.
Marami nang pinangalanan na sangkot sa malawakang anomalyang ito na trilyong piso na ang halaga at hindi na papayag ang mga tao na walang maparusahan at hindi kakalma ang kanilang galit hangga’t wala sa kanila ang humihimas ng rehas na bakal at mabawi ang kanilang ninanakaw sa sambayanan.
Kaya dapat tiyakin ni BBM na mabibigyan ng katarungan ang taumbayan na nalulubog sa baha tuwing umuulan habang lumalangoy naman sa karangyaan ang mga kurakot na politiko, opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kontratista.
In fairness kay BBM, siya ang nagpaputok sa anomalyang ito kaya nararapat lamang na tapusin niya ito bago siya bumaba sa puwesto dahil kung hindi ay lalong babaho ang pangalan ng mga Marcos sa kasaysayan ng bansa.
Maitatala sa kasaysayan ng mga Pilipino na sa Marcos Junior administration nangyari ang pinakamalaking eskandalo ng katiwalian sa gobyerno kaya dapat may makulong na corrupt politicians.
Pati ‘yung mga kapamilya ni Marcos Junior na mapatutunayang sangkot sa anomalya ay dapat din niyang isakripisyo kung nais niya makabawi dahil hindi siya puwedeng magmalinis dito dahil siya ang chief executive.
Kung pinarurusahan ang mga hepe ng pulisya kapag nagkasala ang kanilang mga tauhan dahil sa command responsibility, dapat ding panagutin si BBM kung hindi siya makapagpakulong ng mga kaanak at mga tauhang malalapit sa kanya.
Ngayong nag-resign na si Romualdez, dapat na rin sigurong mag-resign bilang kinatawan ng Ako Bicol Party-list si Zaldy Co na tila ginamit lang ang ibinigay na poder sa kanya ng mga Bicolano dahil sa rami ng proyektong nakuha ng kanyang construction company.
Kung talagang totoo na haharapin ni Co ang isyung ito, hindi siya dapat umalis sa bansa kaso pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Marcos noong Hulyo 28, ay hindi na siya pumasok sa Kongreso at nasa Amerika raw ito para magpagamot, na ayaw paniwalaan ng mga tao.
