NATANGAYAN ng isang cellphone na P65,000 ang halaga, ang isang 42-anyos na miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG), kasama ang kanyang misis, nang masalisihan sa loob ng coffee shop sa Malate, Manila noong Biyernes ng gabi.
Agad ini-report ni Christopher Daño, ng B1, Lt. 17, Brecia Subd, Lilac St., West Fairview, Quezon City, sa Manila Police District-Station 9, ang insidente.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-7:05 ng gabi nang mangyari ang insidente sa loob ng Coffee Project sa Taft Avenue malapit sa Pablo Ocampo St., sa Malate,
Ayon sa biktima ang suspek ay may taas 5’7, nasa 30-anyos ang edad, nakasuot ng asul na jacket at itim na pantalon.
Salaysay ng biktima, kasama niya ang kanyang misis nang pumasok sa coffee shop at nag-charge ang cellphone na isang Samsung S9 sa charging station, ilang metro ang layo sa kanilang mesa ngunit pagbalik niya ay nawawala na ito.
Posible umanong nang makita ng suspek na tumalikod ang biktima ay kaagad itong pumunta sa charging station at kinuha ang pakay saka mabilis na lumabas. (RENE CRISOSTOMO)
157 