Pero pinagdadamutan ng ayuda – solon PINOY IBINAON NI DUTERTE SA UTANG

IBINAON ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sambayanang Filipino sa utang subalit patuloy na pinagdadamutan ng kanyang gobyerno ang mamamayan ng ikatlong ayuda.

Reaksyon ito ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate matapos umabot sa P11.07 trillion ang utang ng gobyerno ng Pilipinas kung saan P6 trillion dito ay inutang ni Duterte sa nakaraang limang taon nito mula 2016 hanggang 2021.

“Ibinaon na tayo sa sobrang utang pero pagdating sa ayuda ay palpak at kinakalyo ang pakiramdam ng Duterte administration,” ani Zarate dahil umabot sa P3.15 trillion ang inutang ng gobyerno mula Mayo 2020 hanggang Mayo 2021.

Mas mataas ito ng 11% sa P2.85 trillion na inutang ng administrasyon mula Mayo 2019 hanggang Mayo 2020 dahil nangailangan umano ng pera ang pamahalaan para labanan ang pandemya sa COVID-19.

Base sa mga report, kabilang sa P11 trillion na utang ng gobyerno ang P3.155 trillion sa labas ng bansa habang ang natitirang P7.9 trillion ay tinatawag na domestic debt.

“This is more than P11 trillion, but they cannot allot a measly P405 billion for Bayanihan 3 to help our suffering kababayans?,” ayon pa sa mambabatas dahil hanggang ngayon ay walang kasiguraduhan kung magkakaroon ng Bayanihan 3 dahil ayaw itong pondohan ng Malacañang.

Bukod dito, hindi rin umano ramdam ng sambayanang Filipino ang P3.15 trillion na inutang ng gobyerno na ginamit para labanan ang pandemya dahil hanggang ngayon ay nagdurusa ang mamamayan.

Ayon sa mambabatas, sa kabila ng halagang inutang ng gobyernong Duterte, nananatiling mataas ang COVID-19 infection sa bansa, limitado ang bakunang dumarating at walang ginagawang mass testing para makontrol ang pandemya.

Dahil dito, kailangang pagpaliwanagin umano ang gobyerno kung saan-saan nila ginamit ang pondong ito na kanilang inutang dahil ang magbabayad dito ay ang mga Filipino lalo na ang mga susunod na henerasyon. (BERNARD TAGUINOD)

198

Related posts

Leave a Comment