PINAPAYAGAN ng pamahalaan ang mga pribadong kompanya na humirit ng “cost reimbursement” para sa COVID-19 vaccines na kanilang binili para sa pamilya ng kanilang mga empleyado.
May ilan kasing kumpanya ang binalikat ang halaga ng bakuna para sa kanilang mga manggagawa subalit hindi para sa pamilya ng mga ito.
“Ang polisiya po ng gobyerno, unang-una, basta inorder po yan para doon sa mga taong nag-order at hindi makakarating sa ibang mga tao, hindi ibebenta sa ibang tao, at pangalawa reimbursement for cost po ‘yan at walang profit, ‘yan po ay pinapayagan ng ating gobyerno,” paglilinaw ni Presidential spokesperson Harry Roque.
Ang mga bakuna, ayon kay Sec. Roque ay kailangang bilhin sa pamamagitan ng tripartite deal sa pagitan ng kumpanya, gobyerno at vaccine manufacturers.
Sa kabilang dako, pumalo na sa 12 milyong katao ang nabakunahan kontra COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay National Task Force Deputy Chief Implementer Vince Dizon, sa nakalipas na apat na araw, umabot sa isang milyon ang nabakunahan.
Sa ngayon, nasa 17.4 milyong doses na ng bakuna ang nakukuha ng Pilipinas. (CHRISTIAN DALE)
128 