IBINASURA ng Korte Suprema ang pinagsamang petisyon ng negosyanteng si Janet Lim Napoles at mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM).
Naghain ng petition for certiorari si Napoles at mga opisyal ng DBM na kumukuwestiyon sa desisyon ng Ombudsman na may probable cause sa alegasyong sangkot sila sa paglabag sa anti-graft and corrupt practices act, malversation at corruption of public officials sa ilalim ng Revised Penal Code.
Sa sinulat na desisyon ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, ng Supreme Court Second Division, ang paghahain ng impormasyon o kaso ng Ombudsman laban sa isang opisyal o tauhan ng gobyerno ay hindi pagtukoy sa kasalanan o pagiging inosente niya.
Pinaliwanag ng Supreme Court na ang pagtukoy ng Ombudsman sa probable cause ay hindi desisyon kung guilty o inosente ang akusado.
Ayon sa Korte Suprema, tungkulin lamang ng Ombudsman na pag-aralan ang ebidensya ng prosekusyon at ng akusado upang malaman kung may sapat na dahilan para paniwalaang may naganap na krimen.
Ang kaso ay kaugnay sa 2007 priority development assistance fund ni dating Davao Del Sur Rep. Douglas Cagas, nakita ng korte na napagtibay ng Ombudsman ang makatwiran basehan para maghain ng reklamo laban sa grupo ni Napoles.
Nakasaad sa record ng korte na ang PDAF ni Cagas na nagkakahalaga ng P16-M ay nai-divert sa NGOs na Countrywide Agri and Rural Economic and Development Foundation, Inc. at Philippine Social Development Foundation.
(JULIET PACOT)
