PH 1st OLYMPIC GOLD SA BOXING Halos abot-kamay na ni Paalam

Ni ANN ENCARNACION

LALABAN para sa gold medal sa men’s flyweight si Carlo Paalam matapos manaig kay Tanaka Ryomei ng Japan sa kanilang semi­finals match up kahapon sa Kokugikan Arena.
Nanalo si Paalam sa bisa ng unanimous decision (5-0) sa kabila ng pagiging mas matangkad at agresibo ni Tanaka.

Makakalaban ng 23-­
anyos na Pinoy ang taga-Great Britain na si Galal Yafai sa finals sa Sabado.

Gaya ng kanyang plano, naging maingat ngunit hindi nagpabaya si Paalam sa pakikipagtuos sa hometown bet na si Tanaka.

Ito’y sa kabila ng napa­ulat na isinugod ang Japanese matapos ma­nalo kay Yuberjen Herney Martinez Rivas ng Columbia sa kanilang quarter­final face-off.

Na-upset naman ni Paalam si 2016 Rio de Janeiro Olympics gold medalist at world champion Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan sa quarterfinals dahil sa hindi inaasahang pag-uuntugan, na nauwi sa  split technical decision sa second round pabor sa Pinoy.

Tiyak nang magbu­bulsa ng silver medal ang dating nangangalakal ng basura sa kanyang pagtuntong sa men’s flyweight finals. Ngunit kung mananalo ay magi­ging kauna-unahan siyang Pilipinong boksingero na Olympic gold medalist.

Nauna nang naiuwi ng Pinay weightlifter na si Hidilyn Diaz ang pinaka-unang Olympic gold medal ng Pilipinas.

MARCIAL NAGKASYA
SA BRONZE

BRONZE  medal ang naibulsa ni middleweight Eumir Marcial matapos matalo sa semifinals kay Ukranian Oleksandr Khyzhniak.

Nauwi sa split decision, 3-2, ang umaatikabong bakbakan ng dalawang boksingero, na nagpalitan ng mga suntok simula first hanggang third round.

Hindi naman naitago ni Marcial ang kanyang ­saloobin matapos ang laban.

 

“Kumbaga sobrang sakit, unang-una siyempre kasi talagang pinangarap ko ‘to eh. Simula pagkabata pa lang, gusto ko na talagang makatungtong dito sa Olympics at ma­kuha ‘yung gold,” aniya.

“Pero bigo ako. Hindi ko nakuha ‘yung gold.”

Umaasa naman siya na muling mabibigyan ng tsansa sa 2024 Paris edition.

“Kung pagbibigyan ako ng pagkakataon ulit na makapag-represent sa Olympics, iga-grab ko ‘yung opportunity kasi hanggang ngayon, pa­nga­rap ko pa rin na makakuha ng gold sa Olympics,” sabi pa ni Marcial, na itutuloy pa rin ang pagiging professional boxer.

208

Related posts

Leave a Comment