PINAKAMABIGAT DAPAT NA PARUSA SA “TONGPATS” SA DA

PINAKAMABIGAT na parusa ang nararapat na ipataw sa nasa likod ng “tong-pats” sa Department of Agriculture (DA) para sa importasyon ng karneng baboy.

Marami ang napeperwisyo nito, hindi lang mga magsasaka kundi ang buong sambayanan at sa ating palagay “economic ­sabotage” ito.

Bakit kamo? Tulad nang sinasabi ni Sen. Panfilo Lacson na kanilang babalatan ang nasa likod ng multi-bilyog pisong pork importation.

Bigyan nyo po ng pinakamabigat na parusa at ipaalam nyo sa publiko ang gagawing pagpapataw sa kanila.
Base sa nakuhang info ng PUNA mukhang “artificial” lang ang sinasabing shortage ng karneng baboy sa bayan ni Juan.

Dinagdagan pa daw ang minimum access volume (MAV) sa inaangkat na pork products ng mga importers sa ibang bansa.

Pabor na pabor ito sa negosyante ang desisyong ito.

At ibinaba din ang tariff rates o bayad sa taripa mula sa 30% na naging 5% na lang.

Kung ibinaba yan, saan ngayon mapupunta ang 25% na binawas riyan?

Dapat masagot yan ng Department of Agriculture (DA).

Sino kaya sa mga opisyal ng DA ang balak tumakbo sa 2022 presidential elections?

Dahilan ng Department of Agriculture (DA) ay para matugunan daw ang kakulangan ng karneng baboy sa bansa

matapos salantahin ang Pilipinas ng African Swine Fever (ASF).

Kasunod naman nito ang ­sobrang pagtaas ng karneng baboy sa mga pamilihan na umabot pa ng mahigit sa apat na raan (P400) piso kada kilo.

Simple lang kumana ang mga sindikato na nasa likod ng “tongpats” na ito.

Ika nga ni Mang Mario na barbero, disimulado ang diskarte ng mga hinayupak na ito.

Nagsimula sila sa epekto ng ASF, nagkulang ang supply ng baboy sa mga pamilihan, kaya nagtaas ang presyo.

Ngayon dahil kulang ang supply ng baboy sa merkado kaya mahal ang kada kilo.

Para nga naman mapababa ang presyo ng baboy at mapunuan ang shortage kailangan ng DA na payagan ang mga

negosyante na kanilang kakampi na mag-angkat sa ibang bansa. Galing!

Hindi pa nakuntento sa pagbibigay ng pabor sa importer na makapag-angkat ng karneng baboy sa ibang bansa.

Pinayagan pang dagdagan ang aangkatin nilang karneng baboy at ibinaba pa ang taripa na ibabayad sa gobyerno.

Kulang na lang hindi niyo pagbayarin ng taripa sa gobyerno ang mga importers na yan.

Ang tanong tuloy ng suki ­nating mga taga subaybay, magkano ang mapupunta sa mga opisyal ng gobyerno na nasa likod ng kalokohang ito?

Sinasabing anim na bilyong piso ang maibubulsang “tongpats” ng mga buwayang may pakana ng importasyon na ng karneng baboy.

Mukhang napaglalaruan na naman ang mga magsasakang Pinoy.

Siyempre pag dumating sa bansa ang tone-toneladang karneng baboy na yan, babahain nito ang mga pamilihan ng bansa.

At siyempre mura ang ­presyo nito kaya lalangawin o hindi na ngayon mabibili ang lokal na karneng baboy na nanggaling sa mga magsasaka. Laglag si Mang Goriong magsakaka! Paano na ang kanilang kabuhayan lalo na ngayon na panahon ng ­pandemya?

Sa gawaing ito ng mga nasa likod ng “tongpats” ay pinapatay nila ang mga magsasakang Pinoy pero sila ang magkakamal ng limpak-limpak na salapi.

Maawa naman kayo sa sambayanang Pilipino, hirap na sa buhay pagsasamantalahan nyo pa.

                                                                                       oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

170

Related posts

Leave a Comment