MISTULANG pinasaringan ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat si Davao City Mayor Sara Duterte na napababayaan nito ang kanyang siyudad dahil sa ‘maagang pangangampanya’.
Ayon kay Cullamat, patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Davao City na isang patunay na “hindi binigyan ng priority ang usaping pangkalusugan ng populasyon sa Davao”.
“Sa nagdaang mga buwan ay naiulat na ito at hanggang ngayon ay patuloy na tumataas ang bilang ng Covid cases sa Davao City,” ayon sa mambabatas.
Dahil dito, tila wala umanong atensyon ang namumuno sa Davao City sa pandemya sa COVID-19, hindi dahil pinababayaan ng national government ang nasabing lungsod kung saan nagmula si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sentrong lungsod ito kaya mahirap sabihing di naabot ng sapat na serbisyo. Isa pa ay syudad itong pinagmulan ng pangulo kaya mahirap isiping wala ito sa prayoridad ng paglalagakan ng pondo,” ayon sa mambabatas.
Sa patuloy na pagtaas umano ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ay hinahanapan ng taumbayan kung “nasaan ang atensyon ng mga namamahala sa siyudad na yan?”
Hindi man binanggit ni Cullamat ang pangalan ng batang Duterte ay mistulang siya ang tinutukoy na ‘maagang nangangampanya” dahil panay ang labas ng alkalde sa lungsod.
“Hindi simple ang krisis ng pandemya, kaya dapat ito ang inuuna ng mga lokal na pamahalaan,” paalala ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
173 