INATASAN nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Lawrence ‘Bong’ Go (SBG) si Atty. Larry Gadon na maghain ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa scammer na gumagamit sa kanilang pangalan upang makapambiktima ng mga negosyante.
Isang nagngangalang Louie Ceniza na nagpapakilalang malapit sa pangulo at kay Go ang nakahimok sa ilang negosyante na magtayo ng POGO company at humingi ng 3 parts ownership ng kumpanya kung saan ang 1 parte ay pag-aari ni Ceniza at ang 2 parte ay kina Pres. Duterte at Sen. Bong Go umano na kalaunan ay natuklasan na isang panloloko.
Ang mga negosyante na sina Dr. Noel Lacsamana, Phil Villamar at associates ay napaniwala na si Ceniza ay talagang malapit kina Pres. Duterte at Sen. Go.
Ang mga negosyante ay kliyente at kaibigan ni Atty. Larry Gadon na nang malaman ang scam ay agad na ipinaalam kay Sen. Go. Itinanggi naman ng senador ang pagkakasangkot sa POGO company.
Bunga nito, inatasan nila si Atty. Gadon na magtungo sa NBI at isumbong ang scammer na gumagamit ng kanilang pangalan at umaaktong malapit sa kanila.
Mismong Si Sen. Go ang nag-asikaso para makipag-ugnayan si Atty. Gadon sa NBI director.
Ang affidavit of complaint ay isinampa noong Hulyo 20 sa NBI makaraan ang serye ng pakikipagpulong sa NBI investigation agents.
Salaysay ng mga complainant, sila ay nalinlang ni Ceniza na maniwala na malapit ito kina PRRD at SBG sapagkat laging kasama ni Ceniza ang apat na uniformed motorcycle escorts mula MMDA na ipinagkaloob ng nagngangalang Gen. Roy Taguinod.
Sinasabi rin ni Ceniza na siya ay may opisina sa Malacañang, ngunit natuklasan ng NBI na nangungupahan lang ito ng maliit na condo unit sa tabi ng Malacañang at hindi rin siya opisyal sa Malaçañang.
Tinawag din ni Atty. Gadon ang atensyon ni MMDA GM Jojo Garcia kung bakit nagbibigay ang MMDA ng security at motorcycle escorts kay Ceniza. Nabatid na ang mga escort ay unofficial at hindi pinapayagan ng MMDA ang nasabing kaugalian. Ayon kay Garcia, siya mismo ay walang escorts sa kabila ng kanyang posisyon bilang General Manager. Kaya naman agad niyang inimbestigahan ang insidente.
Ayon sa complainants, isang nagngangalang Gen. Roy Taguinod ng MMDA ang nagbigay ng escorts na walang authority mula kay GM Garcia.
Ang isang kasama ni Ceniza na nagpakilalang retiradong general sa army, ay isinama rin sa reklamo, isang nagngangalang Gen. Javier na ang papel ay tiyakin sa mga complainant ang katotohanan ng inaangkin at maling paglalarawan ni Ceniza.
Sinabi ni Sen. Go kay Atty. Gadon na kilala lamang nila si Ceniza bilang opisyal ng Philippine Eagles Movement, ngunit itinanggi ang pagiging malapit dito. Sinabi ni Pres. Duterte kay Atty. Gadon na hindi niya kinukunsinti ang katulad na gawain.
Bilang patunay na kinokondena nila ang maling gawain ni Ceniza, agad kumilos si Sen. Go upang makapag-usap sina Atty. Gadon at NBI Director Eric Distor para sa pagsasagawa ng imbestigasyon at pagsasampa ng reklamo laban kay Ceniza at mga kasabwat nito.
530 