TUMATAGINTING na P80-milyong halaga ng mga piniratang branded designer goods mula sa ibang bansa ang kinumpiska ng mga operatiba sa isang pinagsanib na operasyon sa lungsod ng Pasay.
Bitbit ang isang Letter of Authority (LOA) na nilagdaan mismo ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, sinalakay ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC), kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang katuwang na ahensya ng gobyerno, ang isang bodega sa kahabaan ng Kalye Vergel sa nasabing lungsod.
Sa isinagawang inspeksyon ng Customs Intelligence and Investigation Service Field Office-Intellectual Property Rights Division (CIIS-IPRD) at BOC-Port of Manila, tumambad ang
sandamakmak na piniratang designer bags at footwear na ibinebenta nang pailalim sa merkado. Kabilang sa mga nasilat na mga produkto
ay napag-alamang kargado ng mga mamahaling tatak tulad ng Jordan, Versace, Nike, Gucci, Burberry, Lacoste at iba pa.
Bukod sa kasong paglabag ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), sasampahan din ng asunto ang may-ari ng mga kumpiskadong kalakal at maging ang may-ari
ng bodega ng paglabag sa RA 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines).
Hindi naman binanggit sa kalatas ng kawanihan kung may dinakip na tauhan sa nasabing operasyon. Maging ang pagkakakilanlan ng mga negosyanteng sasampahan ng kaso sa husgado, hindi rin tinukoy. Babala ni Guerrero, hindi tatamlay ang kanilang kampanya laban sa smuggling sa kabila pa ng kanilang papalapit na pagbaba sa pwesto. (JO CALIM)
