PINUSLIT NA KEMIKAL NATUNTON, GINAMIT PAGGAWA NG SHABU

WALANG kamalay-malay ang isang malaking sindikato na palihim na sinusundan ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kontrabandong kemikal na ipinuslit sa bansa kamakailan. Ang resulta – bulilyaso ang isang laboratoryo sa lungsod ng Caloocan kung saan umano gumagawa ng drogang ipinapalaganap sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Bagama’t wala nang in­abutan ang raiding team na sumalakay sa isang pasilidad sa kahabaan ng Luis Gochuico Street, nakasamsam naman ng mga liquid shabu na naka­imbak sa isang cold storage, mga kemikal na pakay ng mga operatiba, at mga kagamitan sa paggawa ng droga.

Paliwanag ng PDEA, una na nilang nasakote sa isang buy-bust operation ang mga suspek na pinaniniwalaang nasa likod ng nasabing laboratoryo, bukod pa sa Chinese national na nadakip sa Valenzuela City kamakailan sa pag-iingat ng 160 kilong shabu na mula diumano sa sinalakay na laboratoryo sa Caloocan City.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa hangaring tuluyan nang malansag ang mga sindikato sa likod ng walang habas na pagpapasok ng mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng droga. (JOEL AMONGO)

264

Related posts

Leave a Comment