IPINAALALA ng mga mambabatas sa Kamara kay Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa Republic Act (RA) 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 ang pagbabayad sa mga taong magkakaroon ng adverse effect sa covid vaccines.
Ginawa nina House committee on constitutional amendment chairman Alfredo Garbin Jr. at ACT party-list Rep. France Castro ang nasabing paalala matapos sabihin ni Duterte na hindi siya magbabayad sa mga maaapektuhan ng bakuna.
“Republic Act 11525 mandates the creation of a PHP500-million COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund to compensate all individuals who might experience adverse event following immunization (AEFI),” ani Garbin.
Nakasaad ito sa Section 10 ng nasabing batas na nilagdaan ni Duterte noong Pebrero 26, 2021 kung saan babayaran ng gobyerno sa pamamagitan ng PhilHealth ang pagpapagamot ng mga taong magkakaroon ng negatibong epekto sa bakuna.
“That in case of death and permanent disability, PhilHealth is hereby authorized to pay compensation from this indemnity funds,” ayon pa sa nasabing batas subalit ipinaubaya sa pangulo kung magkano ang dapat ibigay sa mga magiging biktima ng COVID-19 vaccines.
“Tila nakalimutan ni Pangulong Duterte ang batas na mismong siya ang pumirma at nirekomenda ng sarili niyang COVID-19 Inter-Agency Task Force,” ayon naman kay Castro.
Sa public address ni Duterte nitong Lunes ng gabi, kinuwestyon niya ang naging kahilingan ng mga vaccine manufacturer sa pamahalaan na balikatin ang pananagutan para sa adverse effects ng COVID-19 vaccines na bibilhin ng pribadong sektor.
Sinabi ni Pangulong Duterte na mayroong “butas” sa ilalim ng indemnity clause sa vaccine procurement contracts na nire-require ang pamahalaan na pasanin ang pananagutan para sa private sector-procured vaccines.
“The government cannot guarantee much less give you an immune status na you are freed of any and all liability. I think we cannot even do that even if we wanted to yung assumption of liability,” pahayag ng pangulo. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
