PABOR ang isang lider ng Kamara na huwag nang hintaying matapos ang mga nasa priority list sa babakunahan, sa halip ay pairalin ang “who wants it can get it” approach upang mas marami ang mabakunahan.
Ginawa ni Albay Rep. Joey Salceda ang pahayag dahil mula Pebrero 28 nang dumating ang unang batch ng bakuna ay umaabot pa lamang sa mahigit 309,000 ang nagpabakuna sa hanay ng medical frontliners na numero uno sa priority list ng vaccination program.
Malayong-malayo pa ito sa 550,000 na dapat nabakunahan na dahil umaabot sa 1.1 million doses ang dumating na bakuna na kinabibilangan ng Sinovac at AstraZeneca na donasyon ng China at World Health Organization (WHO).
Kailangan aniya itong gawin dahil kung hihintayin na mabakuhanan ang lahat ng mga nasa priority list ay lalong babagal ang vaccination program at hindi makakamit ang herd immunity bago matapos ang taon.
Umapela rin ang mambabatas sa gobyerno partikular sa Inter-Agency Task Force at maging sa media na magtulungan para ipaliwanag sa publiko ang kahalagahan ng bakuna.
LOBBY MONEY
Ibinuko naman ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles na milyon-milyong dolyar umano ang lobby money para kontrolin ang DOH sa kanilang polisiya pagdating sa mga sin product tulad ng sigarilyo.
“It has been revealed that foreign money has been influencing policy making in the DOH for quite some time. In fact, the Congressional hearing revealed at least US$2M in lobby money that has influenced policy coming from Bloomberg alone,” ani Nograles.
Ayon sa mambabatas, noong si Health Secretary Francisco Duque III ang chairman ng Civil Service Commission ay nilagdaan ang isang memorandum na nagdedetalye kung paano pakitunguhan ang mga tobacco industry kasama na ang maliliit na tobacco famers sa Northern Luzon.
“[Joint Memorandum Circular] JMC 2010-01 was issued by the CSC and the DOH in 2010, the same year the DOH received a huge financial grant from the anti-tobacco NGO Bloomberg Initiative. Coincidentally, it was Secretary Francisco Duque, then the chairman of the CSC, who crafted the JMC,” ani Nograles.
“And this is not unique to the tobacco industry alone. These NGO’s actively lobby against the alcohol, sugar and milk industry and provide millions of pesos to gov’t regulators in exchange for the implementation of their agenda,” dagdag pa ng mambabatas.
Dahil dito, hindi na nagtaka ang mambabatas na tinangka ng DOH na huwag isama ang mga nabanggit na ahensya sa mga kumpanyang papayagang mag-angkat ng bakuna para sa kanilang mga empleyado. (BERNARD TAGUINOD)
209
