PINOY STREET FOOD

PINOY STREET FOOD.jpg

(Ni ANN ESTERNON)

Likas na sa mga Pinoy ang mag-explore ng mga makakain na kapag nagustuhan ng ating panlasa ay lampas na sa exploration o food adventure ang mangyayari kundi bahagi na rin ito ng kultura sa pagkain.

Ang ilan sa mga pagkaing gustung-gusto ng mga Pinoy at hindi matanggihan ay ang iba’t ibang uri ng street foods – na sa lengguwahe ng iba sa atin ay “tusok-tusok” o “turo-turo”.

Ang mga street food nating mga Pinoy ay hindi lang basta pampapak lang. Karamihan din ay kinakain ito na may kasamang kanin para mabusog at makatipid. Madalas itong patok sa mga karaniwang manggagawang Pinoy na palaging naghahabol sa oras at may sapat na budget lamang.

PAGTANGKILIK SA STREET FOOD

Dahil ang mga street ay may iba’t ibang itsura, iba’t ibang kulay na ang karamihan ay nagtitingkaran at ang mga presyo nitong abot-kaya ay nagiging basehan ng mga Pinoy kung bakit ito tinatangkilik.

Mahilig din kasi tayo na makiusyoso at kapag nakakita tayo ng mga taong nag-uumpukan at malalaman nating pagkain pala ang kanilang pinupuntahan ay sinusubukan na rin natin ito.

Ang komento sa mga pagkaing-kalye ay nagiging word of mouth naman kaya mas marami pang sumusubok dito. Ang nagiging komento ay tulad ng “masarap ah! At mura!” At para sa mga bagong tuklas o may comparing notes sa kanilang natitikman ay bukambibig na rin ang salitang “Aba, pwede!” Ito ang bigkas pagkat sinasabi nilang hindi nalalayo ang lasa nito sa mga nabibili ring ibang pagkain sa mga restaurant.

IBA’T IBANG URI NG STREET FOODS

– Fishballs, squidballs

– Kikiam

– Isaw ng manok, o baboy

– Betamax o dugo

– Hotdog

– Calamares

– Kwek-kwek, tokneneng o bulastog na mga itlog

– Paa ng manok, adidas o ulo ng manok

– Siomai

– Ihaw na isda, pusit, karne ng baboy, ibang parte ng manok

– Balut

– Miki o ibang noodles

 STREET FOOD SA MALL

Dahil hindi maikakaila na ang street food ay may level-up na sarap, ang iba’t ibang uri na ito ay sinubukan at sadyang kumalat at nakarating din sa mga mall – kilala man ang mga ito o hindi – basta ang mahalaga nasa mall at mas konbinyenteng kumain dito.

SAWSAWAN ANG LABANAN

Sa mga pagkaing-kalye, madalas na magkakatalo ang mga nagtitinda nito sa lasa ng iba’t ibang mga sawsawan na nababagay sa napiling isasawsaw ng mga customer.

Ang iba’t ibang sawsawan ay mga suka na dati-rati ay simpleng suka lamang na hahaluan ng bawang o sibuyas. At habang may kompetisyon ay nadaragdag pa rito ang iba pang magpapasarap sa sawsawan tulad pa ng siling labuyo o siling haba, luya, pipino.

Samantala may ibang tao rin naman na hindi patok sa kanila ang suka kaya ang pinipili nila ay ang matatamis na sawsawan na kalimitang may halong ketsup, toyo at asukal. At para lumapot ay hinahaluan nila ito ng asukal.

Siyempre pa iba’t ibang nagtitinda ay may iba’t ibang pambentang lasa dahil sa iba pa nilang imbentong mga sawsawan. Ang iba pang dagdag dito ay kalamansi, o ibang herbs.

LIGTAS BA ANG STREET FOOD?

May pagkakataong nababalita na may tinatamaan ng sakit mula sa pagkain ng mga street food.

Ayon sa Department of Health ay hindi naman nila ipinagbabawal ang kumain nito bagkus ay maging maingat dahil hindi naman lahat ng mga gumawa nito ay malinis na naiprepara, mula sa mga lahok hanggang sa mailuto ang mga pagkaing ito.

STREET FOOD NG IBANG BANSA

Kahit sa ibang bansa, partikular sa Asya, ay may mga pagkain ding nabibili at tinatangkilik sa kalye tulad sa Thailand, Singapore, Vietnam at iba pa.

May mga bansa rin naman na kakaiba ang kanilang inihahain o ibinibenta pero may mga pagpipilian din naman na halos ay kahawig sa pagkaing Pinoy. Ano pa ba naman, tayo ay mga Asyano na ang pagkain ay hindi nagkakalayo.

Samantala may mga foreign vlogger at blogger na nagbigay ng kani-kanilang reviews sa mga pagkaing Pinoy na kanila mismong tinikman. At sa kanilang panlasa, ang street food ng mga Pinoy ay angat din ang lasa!

936

Related posts

Leave a Comment