PINOY WATAK-WATAK SA AKSYON NG KAMARA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG isinisi ni SAGIP Party-List Rep. Rodante Marcoleta sa mga kapwa mambabatas ang pagkakahati-hati ngayon ng mga Pilipino.

Inamin ng kongresista na hindi na siya masaya sa Kamara.

Habang sinasabi aniya ng mga kongresista na magkaisa tungo sa pangangalaga sa bansa ay nais naman ng mga itong ipa-impeach si Vice President Sara Duterte.

Binigyang diin niya na mas maraming problema ng bansa ang dapat atupagin ng Kongreso sa halip na impeachment na lumilikha ng pagkakawatak-watak ng mamamayan.

Tila pinatutsadahan din nito ang Kamara na inaagawan ng trabaho ang Commission on Audit (COA).

“‘Yung pag-audit, ‘yung pag-e-examine ng mga papel, ng mga reports about public expenditures, ito po ay trabaho ng COA. There is no other office mandated to audit and examine the expenditure of public funds, only the Commission on Audit.”

“Sabi ko, bakit po natin ginagawa ang trabaho ng COA? Kayo naman, Commission on Audit, bakit ninyo sinurender ang inyong tungkulin? May problema dito, sabi ko, nilalabag natin ang Saligang Batas,” pahayag ni Marcoleta.

Kaugnay nito, itinigil na ng House committee on good government and public accountability ang kanilang imbestigasyon sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) dahil sa dalawang impeachment case na isinampa laban kay VP Sara.

Dahil dito, hindi na rin ipatatawag ang dalawang security officers ni Duterte na sina Col. Raymund Dante Lachica, commander ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) at Col. Dennis Nolasco na dating nakatalaga sa DepEd.

Lumabas sa imbestigasyon ng komite na ibinigay ni OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta kay Lachica ang confidential funds ng OVP habang ibinigay naman ni dating DepEd SDO Edward Fajarda ang pondo ng kanilang ahensya kay Nolasco at ang dalawang opisyal umano ang nag-disburse o nagbigay sa mga recipient.

55

Related posts

Leave a Comment