405 SA 677 TUMANGGAP NG OVP CONFI FUNDS PEKE

(BERNARD TAGUINOD)

MAHIGIT 400 sa halos 700 pangalan na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA) na tumanggap ng confidential funds ay hindi totoong mga tao.

Ito ang kinumpirma ng Philippines Statistics Authority (PSA) sa House committee on good government and public accountability na nag-imbestiga sa confidential funds ng OVP at Department of Education na dating pinamunuan ni Vice President Sara Duterte.

Kahapon ay muling nagpulong ang nasabing komite para isara ang imbestigasyon sa confidential funds ng OVP at DepEd kung saan isiniwalat ng chair nito na si Manila Rep. Joel Chua na hindi totoong tao ang 405 sa 677 pangalan na nakalagay sa acknowledgement receipt (AR) sa COA.

“Tayo po ay sumulat (sa PSA) upang isumite ang 677 pang pangalan na nakalagay sa acknowledgement receipt ng DepEd kung saan tayo po ay binigyan ng tugon ng Philippine Statistics Office dated December 8, 2024 at dito kanilang sinasabi na out of 677 individuals, 405 ay walang birth certificate o walang record ng birth certificate o puwede nating sabihin na non-existent,” ani Chua.

Nilinaw ng mambabatas na bukod ito kina Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin na unang sinertipikahan ng PSA na walang record sa kanilang birth certificate, marriage certificate at maging sa death certificate.

Noong 2023, binigyan ng P150 million na confidential funds ang DepEd habang P500 million naman sa OVP bukod sa P125 million na ibinigay sa tanggapan ng pangalawang pangulo noong 2022 na ginastos umano sa loob ng 11 araw lamang.

“Tayo po ay na-scam sa libu-libong acknowledgement receipt na basta-basta lamang dinoktor o gawa-gawa lamang,” ayon naman kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa nasabing pagdinig kahapon.

“Mr. Chair almost five thousand (5,000) of dubious origin kapalit ang P612.5 million na confidential funds na basta-basta na lang na naglaho mula sa kaban ng bayan sa ilalim ng pamumuno ng ating Bise Presidente,” dagdag pa ng mambabatas.

Naestablisa umano sa nakaraang pagdinig ng komite na ang halagang ito na kasing laki ng budget ng isang ahensya ng gobyerno sa buong taon ay nagastos ng OVP at DepEd sa loob lamang ng 9 na buwan o mula December 2022 hanggang September 2023.

“Pinaglaruan ba tayo? Niloko ba tayo o pinaglaruan ang publiko pagdating sa kanilang pondo?,’ tanong pa ni Adiong.

64

Related posts

Leave a Comment