NAGDAGDAG ng puwersa sa mga lansangan ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para masupil ang krimen at posibleng looting sa panahong naka-lockdown ang maraming lugar sa Luzon dahil sa pag-iwas na lumaganap ang coronavirus disease.
Unang tinutukan ng PNP at AFP Joint Task Force-NCR ang mga lugar na sinasabi sa social media na may mga insidente ng panloloob o pagnanakaw.
Una nang pinabulaanan ni PNP chief Directorial Staff for Operation Ltgen Guillermo Eleazar ang ulat hinggil sa nakawan.
Iniulat naman ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na: “Lahat ng mga police commander ay binigyan na ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa ng direktiba na dagdagan ang presensya ng kapulisan sa mga lansangan at damihan pa ang roving patrol para bigyan ng assurance ang publiko na wala pong magaganap na disorder.”
Kaugnay nito, nanawagan ang pamunuan ng PNP sa mga social media user na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon gaya ng lumutang na US state department study na nagbibigay babala sa posibleng malawakang looting sa panahong umiiral ang Luzonwide enhanced quarantine.
Mismong ang National Bureau of Investigation ay nagsabi rin na walang katotohanan ang kumakalat na umano’y US warning hinggil sa posibleng looting incidents sa Luzon dahil tatagal lamang ng isang linggo ang ipon ng mga pamilyang Pinoy para sa kanilang pagkain.
“No such study exists,” ayon kay NBI officer-in-charge Eric Distor base sa impormasyong ibinigay ng US Federal Bureau of Investigation.
“Nababahala ang PNP dahil sa mga netizen natin na hindi alam kung papaano aliwin ang mga sarili, napagdidiskitahan ang social media na magpakalat ng impormasyon na ‘di naman beripikado at wala namang katotohanan,” pahayag pa ni Eleazar. JESSE KABEL
