PNP DAPAT PANGALANAN MGA PULIS NA NAGDAWIT SA PNP CHIEF

RAPIDO NI TULFO

SINO kaya ‘yung mga pulis na sangkot sa pagdawit ng pangalan ni PNP chief, Gen. Rommel Marbil matapos na sitahin ng mga miyembro ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), ang isang convoy na may escort na mga pulis dahil sa pagdaan sa EDSA Bus Way?

Matatandaang matapos na masita ang naturang convoy at natiketan ang driver ng van, pinuntahan ng hindi pa nakikilalang mga pulis ang mga miyembro ng SAICT at sinabing pinatitigil daw di-umano ng PNP chief ang operasyon nito.

Ito ay itinanggi naman ng tagapagsalita ng PNP na si Col. Jean Fajardo, at sinabing wala raw ganoong kautusan ang hepe ng PNP.

Sinuspinde na raw ang naturang mga pulis at iniimbestigahan na, ayon pa kay Col. Fajardo.

Pero bakit nga ba kailangang itago ang pagkakakilanlan ng mga ito? Dapat nga ay pinangalanan ito ng PNP at pabayaan silang magpaliwanag kung bakit nila idinawit ang PNP chief?

Siyanga pala, wala pong kapangyarihan si PNP chief, Gen. Rommel Marbil na ipatigil ang operasyon ng SAICT, ‘yan ay ayon mismo kay Exec. Asst. to the Sec. ng Department of Transportation Joni Gesmundo, nang aking makapanayam ito sa aking programa nito lang nakaraang araw.

Pero mapaiisip ka nga talaga kung sino ‘yung mga pulis na ito at bakit ganoon ang kanilang inasal? May nag-utos nga kaya sa kanila na sabihin sa mga miyembro ng SAICT na pinatitigil na ang operasyon nila ni Chief PNP?

At bakit naman sila babalik kung walang nag-utos sa kanila? Samantalang alam dapat ng mga ito kung sino lang ang mga pinapayagan na dumaan sa EDSA Bus Way?

Bago ang pangyayaring ito ay nahuli rin ng mga miyembro ng SAICT ang convoy na sakay si 2nd District Representative Ralph Tulfo, pero ayon nga kay Sen. Raffy Tulfo, na kanyang ama, ay hindi nagpakilala ang anak bilang mambabatas at tinanggap na lang ng driver nito ang violation ticket na inisyu ng SAICT.

Naglabas din ng opisyal na pahayag si Cong. Ralph Tulfo at humingi ng paumanhin sa pangyayari.

1

Related posts

Leave a Comment