POLISIYA NG LAPU-LAPU CITY PINABABAWI NG PALASYO

HINILING ng Malakanyang kay Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan na bawiin ang polisiya na naglalayong tanging ang mga fully vaccinated na indibiduwal ang papayagang makalabas ng kanilang bahay para bumili ng essential goods at services simula Agosto 25.

Para kay Presidential spokesperson Harry Roque, karagdagang pahirap lamang ito sa halip na kapaki-pakinabang.

“Placing such restrictions has consequences. Baka hindi makatanggap ng ayuda [iyong mga hindi makalabas kasi wala pang bakuna]…at dapat may maghatid ng groceries sa kanila dahil hindi sila makakapamili. We welcome the innovation, pero hindi pa kinakailangan sa ngayon,”ayon kay Sec. Roque.

Ani Sec. Roque, ang nasabing polisiya ay ikinasa sa France at United States dahil mahigit sa 50% ng kanilang populasyon ay bakunado na at walang dahilan para hindi magpabakuna lalo pa’t ang bakuna ay available naman.

“Antayin na ho muna natin na makapagbakuna tayo ng more than 50% of our population,” anito.

Ayon kay Sec. Roque, tinatayang may 9 na milyong filipino ang bakunado na laban sa COVID-19.

Ang bilang na ito ay malayo pa sa target na makapagbakuna ng 70% ng populasyon sa bansa na mayroong 109 milyong populasyon para makamit ang herd immunity sa katapusan ng taon.
Nauna rito, sinabi ni Vaccine czar Carlito Galvez na kapos ang vaccine supply sa bansa ng 42 million doses. (CHRISTIAN DALE)

123

Related posts

Leave a Comment